Inanunsyo ni Italian Prime Minister Giuseppe Conte ang posibleng nalalapit na paglabas ng covid-19 vaccine sa buwan ng Disyembre. Samantala, sa USA ay inaasahan naman ang clearance ng bakuna bago magtapos ang taon. Sa China naman ay pinag-uusapan na ang mass production ng mga bakuna.
“Kung ang third at final phase o ang tinatawag na ‘rolling value’ ng Oxford-Irbm Pomezia-Astrazeneca ay magtatapos sa susunod na linggo, ang mga unang dosage ng bakuna ay posibleng available sa simula ng buwan ng Disyembre”.
“Tayo ay magkakaroon ng 2-3 milyong dosis sa simula. Ilang milyon pa ang susunod. Ngunit para tuluyang mapigilan ang pandemya ay kailangang maghintay hanggang sa susunod na Spring”, dagdag pa ni Conte.
Ang bakuna ng Oxford, kasama ang bakuna ng Pfizer ay parehong nasa evaluation ng EMA, ang European Medicine Authority. Ang ikalawang nabanggit ay ang inaasahang bakuna ng USA, na inanunsyong posibleng lumabas sa ikatlong linggo ng Nobyembre. Samantala, may parehong timeframe nito ang Moderna, isa pang pharmaceutical company na nasa final phase na rin.
Sa kabila ng magagandang balita ukol sa bakuna, ay wala pa ring tiyak na petsa ng paglabas ng bakuna. Kaya’t patuloy at patuloy ang paalala ng awtoridad na upang labanan ang covid19 sa kasalukuyan, ay kailangang gawin ng maayos ang paghuhugas ng kamay, pagsunod sa social distancing at patuloy na pagsusuot ng mask. (PGA)