Tulad ng ilang ulit na nabanggit, hindi lockdown, bagkus curfew o ‘coprifuoco‘ ang ipatutupad partikular sa ilang Rehiyon kung saan patuloy na nagtatala ng pagdami ng mga bagong positibo sa virus. Ito ay sang-ayon rin sa pinakahuling DPCM ng Presidente ng Konseho ng mga Ministro Giuseppe Conte.
Sa katunayan, ang Lombardia, sa ilalim ng pamumuno ni Presidente Attilio Fontana, at sa nagkakaisang hangarin ng lahat ng mga alkalde sa Lombardia, ay hiniling ang paghinto sa lahat ng mga commercial activities at lahat ng uri ng movement, maliban na lamang kung ito ay emerhensya, upang labanan at mapigilan ang higit na pagkalat ng virus.
Ang curfew ay inaasahang magsisimula sa Oct, 22 at kasama dito ang pagsasara ng mga malls tuwing weekend at tuluyang paghinto ng mga commercial activities at lahat ng uri ng movement sa buong Rehiyon mula alas 11 ng gabi hanggang alas 5 ng umaga.
Sumang-ayon si health minister Roberto Speranza. “Ako ay sang-ayon sa naging desisyon ng paghihigpit sa Lombardia”.
Kaugnay nito, nagpahayag din ng curfew ang Campania Region simula Biyernes, Oct 23. Ito ay ayon sa Presidente ng Rehiyon Vincenzo de Luca. Tulad sa Lombardia region, ang paghinto ng lahat ng commercial activities sa pagsapait ng alas 11 ng gabi.
Parehong panukala rin ang inaasahan sa Piemonte, partikular ang pagsasara ng mga mall tuwing weekend at ang paghinto sa Movida mula alas 9 ng gabi.
Samantala sa Liguria naman ay ang pagbabawal sa lahat ng uri ng pagtitipon o social gathering na magsisimula sa 4 na lugar sa Genova, ayon kay Presidente Giovanni Toti. Bukod dito ang mga Scuola Superiore, mula second hanggang last year ay magsisimula sa video class ang kahalati ng mga klase. (PGA)