Inaasahang aaprubahan sa lalong madaling panahon ang tinatawag na ‘decreto lavoro’, na naglalaman ng maraming bagong tuntunin at pagbabago sa trabaho.
Kabilang sa mga ito ang pagbabago sa Reddito di Cittadinanza, ang pagpapagaan ng mekanismo ng mga contratti a tempo determinato at ang pagpapalawig sa coverage ng Inail (National Institute for Insurance against Accidents at Work), sa aksidente at injury.
Kaugnay nito, inaasahang kasama sa dekreto ang pagpapalawig ng health surveillance sa domestic job sa pamamagitan ng pagsasailalim sa mga periodical check-up ng mga colf at caregivers bukod pa sa Inail coverage laban sa aksidente at injury sa trabaho.
Samantala, inaasahan din sa dekreto ang pagtaas mula sa kasalukuyang € 1,500 sa € 3,000 ng deductible amount sa domestic job. Ito ay tumutukoy sa fiscal advantage para sa mga emplyers sa mga naging gastusin sa sektor matapos tumaas ngayong taon ang minimum wage ng 9.2%.
Sa katunayan, ayon kay Andrea Zini, ang president ng Assindatcolf, upang matugunan ang gastusin ng mga employers sa sektor ay dapat umanong umaksyon sa buwis batay sa ibinibigay na sahod sa mga colf. Dagdag pa niya, habang hindi totally deductible ang gastusin sa domestic job (bukod pa sa kontribusyon, sahod at mga benepisyo), ang mga employers ay hindi umano magkakaroon ng anumang fiscal advantage.
Nagbigay ng halimbawa ang Assindatcolf upang ipaunawa ang advantage ng pagdodoble ng tinatawag na ‘sgravi’. Ang isang domestic worker na may contratto a tempo indeterminato sa 54 hrs per week na trabaho, ang employer ay naghuhulog ng halagang € 2.414,88 na kontribusyon sa buong taon. Ang pagpapataas sa deductible amount mula sa kasalukuyang €1.549,37 sa €3.000,00, ang employer ay magkakaroon ng fiscal advantage katumbas ng € 865,51 euros kada taon.
Ayon sa ilang mga ulat, ang ‘decreto lavoro’ umano ang panukala kung saan ipapasok ng gobyerno ang 3 bilyong euros na bawas sa cuneo fiscale (tax wedge) sa mga manggagawang mababa ang kita. (PGA)