Aprubado ang bagong decreto riaperture. Ito ay ipatutupad simula April 26 hanggang July 31. Ang bagong dekreto para sa buwan ng Mayo na ang layunin ay patuloy na mapigilan ang pagkalat ng Covid19 sa bansa ay inaprubahan na ng gobyerno.
Tulad ng unang inanunsyo ni Draghi sa ginanap na press conference, simula April 26 ay unti-unti ang muling pagbubukas at pagtatanggal ng restriksyon sa Italya. Gradwal ang muling pagbubukas ng mga restaurants, gym, theaters, beach resort at mga fairs.
Curfew
Mananatili ang curfew mula 10pm hanggang 5am ngunit posibleng magkaroon ng pagbabago sa oras sa May 31.
Zona Gialla
Mananatili ang restriksyon sa bansa sa ilalim ng color code: zona rossa, arancione at gialla na muling ibinabalik.
Ang bagong zona gialla ay hindi na katulad ng nauna dahil ito ay magkakaroon ng maraming pagbabago, partikular ang pahintulot ng pagpunta sa ibang rehiyon na nasa ilalim ng zona gialla.
Pagpunta sa ibang Rehiyon
Kumpirmado ang pahintulot na malayang magpunta sa ibang Rehiyon na nasa ilalim ng zona gialla. Para makapunta naman sa zona arancione at rossa para sa turismo ay kailangang ang certificato verde.
Certificato verde
Ito ay ang pass na magpapatunay na:
- nakumpleto na ang bakuna laban Covid19. Ito ay balido ng 6 na buwan mula sa petsa ng huling turok ng bakuna, o
- pagkakaroon ng resulta na negatibo sa swab test – molecolare o rapido na balido ng 48 hrs mula sa petsa ng test, o
- paggaling sa sakit na Covid19. Ito ay balido ng anim na buwan mula sa petsa ng sertipiko.
Restaurants at bar
Ang mga restaurants at bar ay magbubukas sa April 26 sa Zona gialla sa outdoor o open air lamang para sa lunch at dinner. Samantala, nakatakda naman simula June 1, ang pagbubukas ng mga restaurants at bar kahit indoor.
Pagbisita sa mga kamag-anak at kaibigan
Simula April 26 hanggang June 15, sa zona gialla at arancione ay maaaring magpunta sa bahat at bisitahin ang kamag-anak o kaibigan hanggang 4 na katao, sa halip na 2 katao lamang.
Paaralan at Unibersidad
Muling magbabalik sa klase ang Scuola Superiore: Sa zona gialla at zona arancione mula 70% hanggang 100%. Samantala sa zona rossa naman ay mula 50% hanggang 75%.
Ang mga unibersidad naman, sa zona gialla at arancione ay bukas at sa zona rossa ay bibigyang priyoridad sa face-to-face ang mga first year na estudyante.
Cinema, theaters at museums
Ang mga cinema at theaters ay muling bubuksan sa April 26 sa zona gialla. Ipatutupad ang distansya ng isang metro – harap at likod – sa pagitan ng mga manonood na kailangang magsuot ng mask. Excluded sa physical distancing ang mga magkakasama sa bahay.
Sports hall at Stadium
Matapos ang mahabang panahon ng pagsasara, inaasahang magbubukas na din mula June 1 sa publiko ang mga sports hall hanggang maximum na 500 katao. Higit sa isang libo katao naman sa mga stadium.
Gym, swimming pools at group sports
Simula April 26 ay may pahintulot sa zona gialla ang anumang sport sa outdoor, kahit ang contact sports. Sa May 15 ay nakatakda sa zona gialla ang pagbubukas ng mga outdoor pools. Ang mga gym ay muling magbubukas sa June 1.
Fairs at Congress
Ang mga fairs ay magbabalik sa June 15 sa zona gialla. Simula July 1 naman ay nakatakdang magbalik ang convention at congress. (PGA)
Basahin din:
- Road map ng unti-unting pagtatanggal ng mga restriksyon sa Italya, inanunsyo ni Draghi
- April 26, simula ng gradwal na muling ‘pagbubukas’ ng Italya