Ganap ng isinabatas ang Decreto Sicurezza bis matapos aprubahan sa Senado kahapon, Agosto 5, 2019. Umani ito ng 170 botong SI, 57 ang NO at 21 naman ang nag-abstained.
Ito ay binubuo ng 18 artikulo at nahahati sa dalawang bahagi. Ang una ay ukol sa mga bagong patakaran sa imigrasyon at ang ikalawa ay ukol sa seguridad partikular ang pagpapabigat ng parusa sa mga lalaban sa mga awtoridad partikular ang mga alagad ng batas at ang pagpapalawak sa ‘Daspo’ sa sinumang gagawa ng karahasan sa mga sports activities at hindi lamang sa mga stadium.
Ang Artikulo 1 ay nagbibigay sa Interior Minister ng kapangyarihan na limitahan o ipagbawal ang pagpasok, transit at/o stop over ng mga barko sa teritoryal na dagat, kung ang dahilan ay ukol sa kaayusan at seguridad ng mga mamamayan. Gayunpaman, ay hindi mawawala ang bahagi ng Minister of Defense at Infrastructure and Transport sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Pangulo ng Konseho ukol sa pangangalaga sa seguridad ng nabigasyon at pangangalaga ng kapaligirang pandagat.
Bukod dito, ay nasasaad din ang multa mula 150,000 hanggang 1 milyon sa mga kapitano ng barko na hindi “susunod sa obligasyong nasasaad sa international law, pati na rin ang mga pagbabawal at limitasyon na itinakda ng Ministry of Interior”. At sa kaso ng paulit-ulit na paglabag ay may posibilidad na kumpiskahin ng prefect ang barko.
Para sa custody charges ay nasasaad ang €500,000 para sa taong 2019 at 1 milyon naman para sa mga taong 2020 at 2021.
Sa artikulo 3 ay pinalalawig naman ang krimen ng abetting illegal immigration. At naglalaan ng 3 milyong euros – na kukunin mula sa pondo ng mga imigrante – para sa 3 taon mula 2019 – 2021 upang pondohan ang pagpapalawak ng mga undercover operation at may pahintulot gamitin ang wire tapping.
Sa artikulo 6 naman ay nasasaad ng mas mabigat na parusa sa mga gagamt ng ‘helmet’ at iba pang mga bagay na magpapahirap sa pagkilala sa isang tao na nasa welga sa mga pampublikong lugar o bukas sa publiko.
Bukod dito ay idinagdag din ang bagong offense na magpaparusa sa sinumang gagamit sa welga sa mga public places ng mga mapanganib na bagay tulad ng rocket at lahat ng uri ng paputok, pati na rin ang paggamit ng bat, stick o iba pang mga blunt o anumang makakasakit na mga bagay”.
Binago din ang penal code, dinagdagan ng mga mas mabigat at pinalalang mga parusa “kung ang krimen ay naganap sa welga sa mga public places na tumutukoy sa karahasan, pagbabanta at paglaban sa isang public official, paggambala ng tanggapn o serbisyong pampublikong, pagsira, pagnanakaw at pagpinsala “.
Muli, sa decreto sicurezza bis, ang Ministry of Justice ay may pahintulot na tumanggap ng 800 empleyado na may taunang kontrata kung saan nakalaan ang higit sa € 28 milyon. At nagsasaad din ng karagdagang 500 sundalo para sa okasyon ng 30th Summer Universiade mula Hunyo, para sa pagdating ng higit sa 9,000 atleta at delegasyon mula sa 128 mga bansa para sa Strade sicure operation sa Naples.
Habang ang Artikulo 12 naman ay nagbibigay ng insentibo sa repatriation ng mga undocumented, sa pamamagitan ng isang fund mula sa Minsitry of Foreign Affairs para sa mga proyekto kung saan magagamit din ang pondo ng ‘paglaban sa iligal na migrasyon’.