Nagbabanta ang Delta variant sa Italya. Unti-unting tumataas muli ang contagion curve at sanhi nito limang lugar ang kasalukuyang binabantayan sa bansa.
Sa katunayan simula noong July 1, ang contagion curve sa bansa ay tumigil na sa pagbaba at nagsimulang tumaas muli. Ngayong araw ay nagtala ng 1,010 bagong kaso ng mga positibo at 14 naman ang mga namatay at ang positivity rate ay 0.6%. Samantala kahapon ay 907 ang mga bagong kaso at ang positivity rate at 0.5%
Ito ay nangangahulugan na muling dumadami ang mga bagong kaso ng coronavirus sa bansa. Marahil ito ay dahil sa sirkulasyon ng Delta variant, na naghahandang lampasan ang Alfa variant (UK variant) na kasalukuyang pinakalaganap sa bansa. Ayon sa mga ulat, kailangang maghintay ng isa pang linggo upang malaman kung kumpirmado ang naturang pagkalat ng Delta.
Gayunpaman salamat sa bakuna, dahil sa kaso ng pagiging positibo, inaasahang hindi na mapupuno muli ang mga ospital dahil hindi na lulubha pa ang mga sintomas nito at ang kaso ng pagkamatay sa Covid ay mababawasan na din, tulad ng kasalukuyang nangyayari sa UK.
Kaya’t nangangamba ang mga dalubhasa sa nalalapit na pagsapit ng Autumn, partikular sa mga over 60s na hindi nagpabakuna, na tinatayang aabot sa halos 3 milyon. Kasabay nito ang mga bata na kasalukuyang wala pang bakuna para sa kanila. Ang posibilidad na mahawa ang mga matatanda na hindi bakunado ng kani-kanilang mga apo ay mataas.
Samantala, kinatatakutan ang Delta variant sa Italya dahil ito ay ang pinakamatinding strain ng coronavirus na umiikot ngayon sa buong mundo at inaasahang papalit sa Alfa variant. Batay sa pag-aaral, ito ang pinaka-transmissible variant sa kasalukuyan dahil umaabot sa 40 hanggang 60 porsiyento itong nakakahawa kumpara sa Alpha (U.K./B.1.1.7) variant.
Bagaman nananatiling mababa, ay maaaring pumutok ang Delta variant partikular sa limang Provincie sa bansa. Kasalukuyang binabantayan ang Napoli, Lodi, Verona, Caltanissetta at Ascoli Piceno.
Ang Delta ay kumalat na sa halos 92 bansa at ang naturang strain ay naghasik ng ilang wave ng mga kaso ng COVID-19 sa maraming lugar na unang nanalasa sa India nitong mga nagdaang buwan. Kasunod nito ay ang pagtaas na rin ng mga kaso sa Belgium, Denmark, Finland, Greece, Ireland, Norway, Portugal, United Kingdom at Spain. (PGA)
Basahin din:
- Babala ng WHO: Europe, nanganganib magkaroon ng fourth wave!
- Delta variant, higit 18,000 kaso sa huling 24 oras sa UK. Sydney, lockdown ng dalawang linggo
- Delta variant, kinatatakutan ang mabilis na pagkalat sa Europa ngayong Summer