Tinanggal na ang discount card o carta sconti para sa pamilya ng mga non-EU nationals. Ito ang nilalamang susog mula sa Lega na inaprubahan sa Manovra finanziaria para sa mga Pamilya. Ang carta sconti na itinalaga noong 2016 ay para sa lahat ng mga pamilya, italyano man o dayuhan na residente sa bansa at sa ngayon ay limitado na lamang sa mga pamilya mula sa mga country members ng EU.
Kumpara sa naunang panuntunan, ang card ay mananatili para sa mga pamilya na mayroong 3 anak, ngunit itinaas lamang ang limitasyon sa edad mula 18 hanggang 26 anyos. Gayunpaman, ay tinanggal ang required ISEE amount para matukoy ang modalidad ng releasing ng nabanggit na discount card na ipagkakatiwala sa susunod na Dpcm (Decreto del Presidente del Consiglio dei Ministri). Ngunit hanggang sa ngayon ang discount card ay nakalaan lamang sa sinumang hindi lalampas sa itinakdang sahod. Tulad noong 2016 ang card ay kakailanganin ng mga pamilya upang matanggap ang discount sa mga public transportation at ibang serbisyo, publiko o pribado man. Ang mga pamilya mismo ang mag-aaplay ng agevolazione na ipagkakaloob naman ng mga Comune at balido ng dalawang taon.
Nasasaad din sa Manovra ang bagong maternity leave. Ayon dito ay maaaring magtrabaho ang mga future Moms hanggang sa panganganak. Ang sinumang nagnanais, matapos ang approval mula sa duktor, ay maaaring manatiling magtrabaho hanggang ika-siyam na buwan at magagamit ang limang buwang leave makalipas ang panganganak. Ito ay nasasaad sa susog ng Lega na inaprubahan sa Chamber of Deputies. Ang bagong inaprubahang sistema ay isang ‘alternatibo‘ sa kasalukuyang sistema na nago-obliga sa leave ng isa o dalawang buwan bago ang panganganak.