Ang mga colf, caregivers at babysitters ay kumakatawan sa 1,25% ng Pil (GDP). Ngunit 60% sa bilang na 2 milyon ay mga irregulars.
Ayon sa Assindatcolf o Associazione Nazionale dei Datori di Lavoro Domestcio at Effe o Federazione Europea dei datori di Lavoro Domestico, tinatayang aabot sa 2 milyon ang mga domestic workers sa Italya. Ito ay kumakatawan sa 1.25% ng Pil. Ngunit sa bilang na ito, 60 % o 1.2 milyon ay mga irregulars o walang kontrata.
Sa pamamagitan ng inilunsad na Libro Bianco del lavoro domestico “Famiglia, lavoro e abitazione” ay ipinaliwanag ni Andrea Zini, ang Vice President ng Assindatcolf at Effe na domestic job ay isang sektor na patuloy ang paglago. Bukod dito ay inaasahan ang pagtaas pa sa bilang nito na aabot sa 13 milyon. Isang pagtaas ng 40%.
“Ang sektor ay kumakatawan sa 4% employment rate ng Europa, habang 4,7% naman ang hospitality at 6.8% naman ang construction. Sa pagkakaroon ng angkop na politika at sapat na atensyon, inaasahan ang mabilis na pagtaas ng bilang sa mga susunod na taon at magbibigay ng trabaho sa higit sa 5 milyong katao”, dagdag pa ni Zini.
Sa Europa ay 8 milyon ang mga domestic workers na regular: 70% ng mga kaso ay public service at mga organisasyong profit at non-profit ang mga employers sa domestic job; 30% lamang ang mga kaso kung saan ang mga domestic workers ang direktang kausap ng mga pamilya, mga kaso kung saan mas mataas ang posibilidad ng irregularities ngunit mas matipid naman dahil walang intermediaries.
Gayunpaman, sa Italya, karaniwang ang mga pamilya ang direktang nag-eempleyo sa mga colf ngunit buhat sa estado ay maliit na deduction sa tax return lamang ang nakalaan sa pamilya.