Duguan at wala nang buhay nang maabutan ng mga rumespondeng carabinieri ang isang pamilya sa loob ng kanilang bahay sa Carpiano, probinsya ng Milano. Isang 70-anyos na lalaki, isang 41-anyos na babae, at isang 15-anyos na kanilang anak. Sa tabi ng lalaki ay ang ginamit na baril sa pagkitil ng kanilang buhay.
Sa mga nakalap ng balita ng mga awtoridad, napag-alaman na hindi naging madali ang buhay ng pamilya nitong mga nakaraang taon. Nawalan ng trabaho ang lalaki at nagkaroon na ng mga inihaing reklamo sa italian dswd. Dahil dito ay tinutulungan ang pamilya ng servizi sociali ngunit hindi pa rin ito naging sapat. Kalimitang naririnig ang sigawan mula sa loob ng pamilya sa localita’ Francolino. Hanggang sa umabot na nga sa sukdulan ang krisi ng pamilya at magpasya ang ama ng tahanan na tapusin na ang lahat.
Mismong ang lalaki ang tumawag sa 118 at isinalaysay ang buong pangyayari, ang hirap na kanilang dinaranas, ang araw-araw na away mag-asawa, pati na rin ang intensyon nitong magpakamatay.
Mabilis ang tugon ng mga kapulisan ngunit huli na ang lahat nang marating ng mga ito ang lugar.
Ayon sa imbestigasyon, ang mag-ina ay pinatay habang natutulog pa sa kama, Samantalang ang huling putok ng baril ng pagpapakamatay ay bandang alas 2 ng hapon.
Nakapagbakasyon pa umano ang mag-ina na hindi kasama ang salarin. At sa pagbabalik ng mga ito ay muling nasindihan ang matinding away na nagdala sa trahedya.
Natagpuan ang hindi registradong revolver na magnum 44 sa tabi ng katawan ng lalaki pati na rin ang suicide letter. Binanggit ng lalaki na pagod na umano ito sa buhay at sa kanyang asawa. Isinama na rin umano ang anak para hindi maiwan na nag-iisa sa buhay. Ang Pinay ay kinilala ng mga awtoridad na si Catherine Panis. (Quintin Kentz Cavite Jr.)