Inanunsyo ni Interior Minister Luciana Lamorghese ang pagkakaroon ng 70,000 ahente ng pulisya na magsisilbing Task force na magbabantay at mamamahala sa mga plasa at pangunahing mga kalsada sa panahon ng Kapaskuhan.
Aniya naghanda ang Ministry ng isang plano na may kasamang check point sa mga express way at mga pangunahing kalsada bukod pa sa mga airports at train at bus stations. Gagamit din ang mga kapulisan ng drone upang makita ang mga ‘assembramenti’ o pagkukumpol kumpol ng mga tao sa mga sentro ng lungsod at mga kalsada.
Ipinaliwanag ng Ministra na kinakailangan mula sa hanay ng mga ahente ng pulisya ang pagbabantay at pag-kokontrol sa pagpapatupad ng mga preventive measures anti-covid19.
Sa katunayan, sa buwan lamang Nobyembre ay umabot sa higit 2.3 milyon katao ang nakontrol at sa bilang na nabanggit ay 30,702 katao ang mga namultahan at 628 katao naman ang naitalang lumabag sa quarantine.
Gayunpaman, ayon pa sa Ministra, sa kabila ng mga pagsusumikap ng gobyerno ay kakailanganin pa rin ang pagiging responsable ng bawat isa sa pagsunod sa mga health protocols. (PGA)