Inilathala sa Official Gazette at ipatutupad simula ngayong araw, October 19 hanggang November 13 ang bagong DPCM (Decreto del Presidente del Consiglio dei Ministri) na inanunsyo kagabi ng presidente ng Konseho Giuseppe Conte.
“Sa huling dalawang linggo, patuloy na nagtatala ang Italya ng paglala sa datos ng mga infected ng coronavirus. Matapos ang buong buwan ng Septyembre na napanatiling limitado ang bilang ng mga bagong positibo sa pagitan ng 1,000 hanggang 2,000 katao araw-araw, ngunit sa pagsapit ng Oktubre ay nagsimula ang mabilis na pagtaas ng bilang at partikular sa mga huling nagdaang araw ay tumaas ang bilang ng tatlong beses at lumampas pa sa 10,000. Kahit ang bilang ng mga namatay at nasa ospital ay tumataas din at ang pinangangambahan ng lahat ay ang posibleng maging epekto nito sa lalong madaling panahon sa mga ospital at medical staff”.
Dahil dito, muli ay umaasa si Giuseppe Conte sa pakikiisa at pagsunod ng mga mamamayan upang maiwasan ang kinatatakutang second wave.
Narito ang nilalaman ng DPCM Oct 18, 2020
- Ang mga sindaci o alkalde ay maaaring magpasara, makalipas ang alas 9 ng gabi, ng mga lugar o plasa kung saan posibeng magkaroon ng social gatherings at bibigyan lamang ng pahintulot ang mga residente at workers sa lugar na iyon.
- Ang lahat ng food service establishments sa bansa ay maaaring magbukas simula alas 5 ng umaga hanggang alas 12 ng hatinggabi kung dine-in, at hanggang alas 6 ng gabi lamang kung hindi posible ang dine-in. Habang ang mga home deliveries ay walang limitasyon sa oras. Sa mga restaurants ay pinahihintulutan lamang ang maximum hanggang 6 na katao per table at obligadong maglagay ng anunsyo ukol sa maximum capacity nito. Walang limitasyon sa mga restaurants sa loob ng ospital at airports.
- Ang mga sale gioco at bingo ay mananatiling bukas hanggang alas 9 ng gabi.
- Magpapatuloy na bukas ang mga paaralan ngunit sa second degree high school o ang liceo at superiore ay magkakaroon ng mas flexible na oras; ang oras ng pasok ay alas 9, at posibeng magkaroon ng afternoon class din. Sa unibersidad ay ang pagiging handa sa anumang magiging sitwasyon ng pandemya, distance learning kung kinakailangan.
- Nasasaad sa kasalukuyang decreto ang sospensyon ng lahat ng non-professional sports competition, nagbabawal sa mga festival, trade show pati ng mga convention.
- Bibigyan ng isang linggo ang mga palestre o gym upang suriin at pag-aralan ang nasasaad sa protocol, at ang pagsasara sa mga ito sa kaso ng paglabag. (PGA)