Matapos ang IT-Alert o ang emergency alert test message ng “National Public Alarm System” sa Toscana, Sardegna, Sicilia, Calabria, Emilia Romagna, Campania at Marche, ito ay naka-schedule sa Lazio Thursday, Sept. 21, 12pm.
Matatandaang ang rehiyon ng Toskana ay ang unang rehiyon na nagkaroon ng alarm system test ng IT-ALERT na isinusulong ng Protezione Civile.
Ang nasabging IT-Alert ay ang makabagong sistema ng pagpapaabot ng direktang impormasyon sa lahat ng mga smartphones na nasa loob ng isang teritoryo. Ang mga impormasyong matatanggap ay mga babala sa panahon ng emergency o kalamidad.
Ang unang bahagi ng experimental phase ay ang esklusibong pagpapadala ng “test message” sa mga mobile phone na layuning ipakilala ang bagong sistema. Ang test message na matatanggap ay may ibang tunog kumpara sa mga karaniwang notification. Walang ibang aksyon na dapat gawin ang mga receivers kundi ang basahin ang mensahe at sagutin ang posibleng katanungang matatanggap na maaaring makatulong sakaling may anomalya o problema ang sistema na sumasailalim pa sa masusing pagsubok.
Ang mga mensahe ng IT-alert ay ipadadala sa pamamagitan ng tinatawag na cell-broadcast. Ang lahat ng mga operasyon ng telepono ay panandaliang sususpindihin upang mabigyan ang lahat ng pagkakataon na basahin ang mahalagang mensaheng natanggap. Ang mensaheng ito ay magkakaroon ng priority sa display ng cellphone.
Ito ang test message na lalabas sa mga cellular phones ng lahat na nasa Lazio region sa Sept. 21. Pagkatapos ng mga pagsubok, ang abisong natanggap ay maaaring lumitaw muli sa mga cellphones bilang emergency alerts at warnings tulad ng (walang tigil na malakas na ulan), at ang agarang aksyon upang makaligtas (Magpunta o lumikas sa mataas na lugar). Ang laman ng mensahe ng IT-alert ay ang malawak na paglalarawan ng sitwasyon at ang kaukulang agarang self-protection bago pa man dumating ang tugon ng mga awtoridad.
Samakatwid, ang lahat ng smartphones na tumutugon sa international standard na Common Alerting Protocol ay makakatanggap ng mensaheng “IT-Alert”. Dahil sa sistemang ito, mas mapapabilis ang pagpapaabot ng mga impormasyon at stratehiya sa panahon ng kalamidad sa mga nasasakupang lugar ng sistema.