Patuloy na lumalala ang sitwasyon sa rehiyon ng Emilia Romagna. Ang emerhensya ay hindi na ang pag-ulan, bagkus ang pagbaha at ang pagtaas ng tubig-ilog. Sa kasamaang palad, naitala ang 9 na biktima (isa nito ay sa Bologna) at ito ay kinatatakutang tataas pa. Libu-libo na rin ang mga evacuees dahil sa pagbaha at mga landslides.
Hatinggabi ng nagkaroon ng pagbaha, tumaas ang tubig sa mga kalye at sa loob ng tahanan – mula sa Cesena hanggang sa Faenza, mula Riccione hanggang Lugo. Hindi naging madali ang rescue operations hanggang sa pinaakyat na ang mga residente sa matataas na palapag ng mga building kung saan naninirahan. Dumadami rin ang naitalang bilang ng mga biktima. Libu-libong ang mga lumikas dahil sa pagbaha at pagtaas ng mga ilog.
Sa Cesena, ang mga residente ay napilitang umakyat sa mga bubong, habang naghihintay sa rescue ng mga helicopter. Sa Forlì, inihayag ng alkalde na ito ang “pinakamalalang sitwasyon na kanilang naranasan”. Suspendido din ang mga paaralan ngayong araw May 17 hanggang bukas May 18, sa Bologna at sa iba pang munisipalidad na apektado. Malala din ang sitwasyon sa Faenza, kung saan bumaha na din sa sentro ng mga kabahayan at maraming tao na ang inilikas.
Kahit sa Ravennate, ang ilog ng Santerno ay umapaw ng hatinggabi. Ang Riccione ay halos matabunan na ng tubig, pati ang Emergency Room ng ospital.
Sa Bolognese, umaapaw na din ang ilog Sillaro. Sa katunayan, sampu ang mga ilog na naitalang umapaw kahapon, kabilang na dito ang Savio (Cesena) il Montone (Forlì), il Sillaro (Ravenna), il Savena e lo Zena (Bologna). Ngayong araw, umabot na ang mga ito sa 23: Idice, Quaderna, Sillaro, Santerno, Senio, Lamone, Marzeno, Montone, Savio, Pisciatello, Lavino, Gaiana, Ronco, Sintria, Bevano, Zena, Rabbi, Voltre, Bidente, Ravone, Rio Cozzi, Rigossa, Savena.
Naantala din ang maraming biyahe sa treno at maraming kalsada ang hindi madaanan na nagpapahirap din sa rescue at pagdating ng mga ayuda.
Samantala, tinatayang umabot sa 130 millimeters ng ulan ang bumagsak sa loob lamang ng 24 na oras. Sa kasamaang palad, walang magandang balita sa weather forecast, at muling isinailalim sa red alert ang malaking bahagi ng rehiyon ng Emilia-Romagna dahil sa patuloy na pagtaas ng mga ilog, langslides at storm surge.
Kaugnay nito, ayon sa PCG Milan, mahigit 20,000 ang mga Pilipino sa rehiyon na maaaring kabilang sa mga apektado ng tubig-baha at pagguho ng lupa.
Ayon pa sa post ng PCG Milan, kasalukuyan minomonitor nito ang sitwasyon sa Emilia-Romagna Region. Nakikipag-ugnayan din umano ang Konsulado sa ilang pinuno ng Filipino Community at sinisikap na makipag-ugnayan sa iba pa nating mga kababayan upang alamin ang kanilang sitwasyon.
“Hinihiling po ng Konsulado na makipag-ugnayan sa amin ang mga kababayan sa mga apektadong lugar sa pagtawag sa emergency contact number +39.388.093.3822“, ayon sa post ng PCG Milan. (PGA)