CAMPOSAMPIERO – Isang employer ang nireport matapos ang isang matinding sagutan sa pagitan nito at ng mag-asawang Pinoy at napag-alaman ng mga pulis na parehong walang permit to stay ang mag-asawa dahil hindi ni-regularize ng employer nito.
Dahil dito ang employer, A.Z., 45 anyos, isang Italyano ang nireport dahil sa pagkuha sa dalawang Pinoy na walang permit to stay para mag-alaga sa ina nito.
Ayon sa mga ulat, ang pagtatalo ay nag-umpisa dahil ang mag-asawang Filipino ay umaangal diumano sa mababa sahod nito habang ang employer naman nito ay pinipilit na iyon ang naging kasunduan nila sa buwan ng Oktubre.
Upang matapos ang sagutan ay tinawagan ang mga pulis upang mamagitan at napag-alamang ang mag-asawang Filipino: R.C. 36 anyos at ang maybahay nito E.D. 32 anyos ay walang mga permit to stay. Gayunpaman, ayon sa employer ay ire-regularize ang dalawa matapos diumano ang trial period (periodo di prova) ng mga ito.