Simula July 1, ang EU green pass ay matatagpuan sa app Io, ang App ng Public Administration.
Ito ay inanunsyo ni Innovation Minister Vittorio Colao, upang makapunta at muling makapag-biyahe ng malaya at ligtas sa Europa.
Ang EU green pass ay tumutukoy sa mahalagang e-document na ibinibigay makalipas ang dalawang doses ng bakuna kontra Covid19, o isang sertipiko matapos gumaling mula sa sakit na Covid19 o negatibong risulta na Covid test 24 oras bago ito gamitin.
Ang green pass ng bawat mamamayan ay matatagpuan sa app Io, ang App ng Public Administration, na una nang nakilala sa Italya dahil sa bonus vacanza, cashback at iba pang bonus mula sa gobyerno. Sa katunayan, ito ay nai-download na ng libu-libong katao sa Italya dahil inilunsad upang gawing simple at mabilis ang paggamit ng mga serbisyong publiko.
“Ito ay handa na sa kalahatian ng June ngunit magsisimula sa July 1. Ito ay isang sertipiko at hindi isang pasaporte. At marahil na hindi na kailangang i-download pa ang certificate. Isang notification ang matatanggap at ang sinumang may app Io ay makikita ang green pass sa app”, ayon kay Colao.
Ang app Io ay nakatutugon sa mga katangiang nais ng Europa upang maging channel ng sertipiko.
Samantala, ang lahat ng rehiyon ng Italya ay nasa ilalim ng zona gialla simula ngayong araw. Ito ang kauna-unahang pagkakataon makalipas ang halos pitong buwan matapos unang ianunsyo ng dating Punong Ministro Giuseppe Conte na nahahati ang bansa sa iba’t ibang kulay, batay sa bilang ng mgakaso ng covid19 sa mga Rehiyon. Samakatwid, simula ngayong araw ay maaaring magpunta sa ibang Rehiyon nang hindi kakailanganin ang anumang uri ng sertipiko na nagsisilbing green pass. (PGA)
Basahin din:
- EU green pass, may kasunduan na!
- Buong Italya, zona gialla na simula May 24
- Curfew, ginawang 11pm. Narito ang road map ng bagong decreto