Ang Euro ay nasa ika-20 taon ngayong Enero 2019 kasabay nito ang tuluyang pamamaalam naman ng € 500 banknotes.
Ang Euro, kasalukuyang official currency ng 19 sa loob ng 28 bansa sa Europa, ay inilunsad noong Enero 1999 sa 11 bansa, kabilang ang Italya, na noong una ay para lamang sa accounting at financial transactions, ngunit makalipas ang 3 taon ay ganap at tuluyang ginamit sa pangaraw-araw na pamumuhay ng mga Italians.
Sa kabila ng krisis sa kasalukuyan, ang Euro ay ginagamit sa 19 na bansa ng Europa at bahagi ng araw-araw na transaksyon ng 340 milyong katao at halos 60 mga bansa naman ang may koneksyon dito.
Sa anibersaryo at pagsapit ng ika-20 taon nito, sa isang press release buhat sa European Commission ay binigyang diin ang “pagiging makasaysayan ng panahon ng pundasyon nito para sa isang matayog na ambisyong masigurado ang stability at prosperity ng Europa”.
Kaugnay nito, kasabay ng anibersayo ang isang malaking pagbabago nito. Sa katunayan simula sa katapusan ng Enero 2019, ang Central Bank ng 17 sa loob ng 19 na bansa ng Eurozone ay hihinto sa paggawa at pag-iisyu ng € 500 banknotes, na itinuturing ng European authorities na ‘hindi ligtas at madaling gamitin sa iligal na mga gawain’.
Ito ay kinumpirma sa isang komunikasyon ng European Central Bank “Simula Jan 27, 2019, ang mga Central banks sa Eurozone ay hihinto sa paggawa at pag-iisyu ng € 500 banknotes”.
Upang masiguro ang isang “maayos na transition period at para sa logistic purposes, – ayon pa sa komunikasyon – ang Austrian National Bank at ang German Federal Bank ay magpapatuloy sa paggawa at pag-iisyu nito hanggang April 26, 2019. Ang € 500 banknotes na nasa sirkulasyon ay mananatiling balido at maaaring ipalit sa mga bangko ng walang anumang deadline”.
Ang € 500 banknotes ay kasalukuyag kumakatawan sa 2.4% ng kabuuang banknotes na nasa sirkulasyon at ang 20% ng kabuuang halaga ng mga banknotes na nasa sirkulasyon na katumbas ng 261 billion euros.