Makalipas ang dalawang buwang lockdown at unti-unting pagtatanggal nito sa buwan ng Mayo, ang Italya ay opisyal ng nasa bagong bahagi. Ito ay ang tinatawag na Fase 3.
Se possiamo ripartire è perché abbiamo accettato i sacrifici. Ma la distanza e le mascherine restano misure necessarie” – Giuseppe Conte
Sa katunayan, simula June 3, 2020 ay wala ng hadlang sa pagpunta sa mga Rehiyon sa Italya. Samakatwid, ay maaaring makalabas mula sa anumang rehiyon at makapunta sa bawat rehiyong nais sa Italya na hindi na kakailanganin pa ang autocertificazione ngunit magkakaroon ng mahigpit na pagsusuri at kontrol sa bawat pagpasok at ang mandatory quarantine sa sinumang madidiskubreng positibo.
Sa fase 3 ay nananatiling ipinagbabawal ang assembramento o ang pagkukumpol-kumpol at ang obligadong paggamit ng mask sa mga public places tulad ng shops, public transportation, hairdresser at iba pa. Patuloy pa rin ang pagkuha ng body temperature sa mga itinalagang lugar. Nananatiling bawal ang shake hands, akap at anumang uri ng physical contact maliban na lamang kung miyembro ng pamilya.
Magbabago rin ang regulasyon sa pagpunta sa ibang bansa para sa nalalapit na summer vacation.
Para sa mga Italians na nagnanais na magbakasyon sa Europa ay may listahan ng mga bansa na magbubukas din tulad ng France na simula June 15 ay tatanggalin na ang kontrol at hihingi na lamang ng autocertificazione. Tatanggalin na rin ng Spain ang mandatory quarantine simula July 1 para sa lahat ng mga magbabakasyon dito. Inaasahan din ang pagbabalik sa mga susunod na araw ng flight para sa nalalapit na summer vacation. Pati ang Portugal ay susunod na rin sa pagbubukas sa kalahatian ng buwan ng Hulyo.
Nilinaw naman ng Greece, batay sa komunikasyon ng Embahada, ang kundisyon at limitasyon para sa mga turistang magmumula sa Italya. Ang mga magmumula sa Lombardia, Piemonte, Emilia-Romagna at Veneto ay sasailalim sa test. Ang fase 2 ay magsisimula mula June 15 hanggang June 30 at ang fase 3 ay sa July 1.
Sa Croazia at Slovenia ay makakapag-bakasyon ang mga Italians sa kundisyon ng isang formal booking. Ang Austria, ay magbubukas simula June 15 sa mga bansang Germany, Switzerland at Liechtenstein. Malabo pa ang pagbubukas sa Italya. Nanatiling naghihintay ng green light para sa mga Italians sa mga bansang Finland. Germany, Denmark, Malta, Belgium, Poland, Romania, Hungary, Norway, Slovakia, Czech Republic, Hungary, Romania, Bosnia, Poland, Montenegro, Ukraine at Russia. (PGA)