Muling inabangan at hinangaan ng marami ang paglipad ngayong araw sa Roma ng Frecce Tricolore o Tricolour Arrows, sa ginawang makasaysayang seremonya sa Altare della Patria na pinangunahan ng Pangulo ng Republika, Sergio Mattarella sa paggunita ng pagdiriwang ng Hunyo 2. Ito ay ang Festa della Repubblica o ang tinatawag na Republic Day o Italian National Day.
Ang paglipad ng Frecce Tricolori ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-74 na anibersaryo ng pagkakatatag ng Republika ng Italya at syang nagtapos sa paggunita ng okasyon sa Roma na dahil sa kasalukuyang krisis ng coronavirus ay wala ang tradisyunal na parade na ginagawa taun-taun sa Fori Imperiali.
Ang limang araw na “Giro d’Italia delle Frecce Tricolori” o ang paglipad ng Frecce Tricolori ng Pattuglia Acrobatica Nazionale (PAN), na sinimulan noong May 25 ay ginawa sa 21 pangunahing syudad sa bansa. Ito ay sumisimbolo sa pagkakaisa sa pagharap sa mga hamon at muling pagbangon ng buong bansa matapos ang lockdown. Partikular, ginawa ito sa Codogno, ang unang ‘zona rossa’ ng emerhensya na tumama sa bansa at sa Loreto, kung saan matatagpuan ang sanctuary ni Mama Mary na protector ng Roma Azzurra. (PGA, source: Ministero della Difesa)