Noong nakaraang Linggo September 25, 2022 ay naganap ang general election sa Italya, matapos ang naging krisis ng gobyerno noong July ni outgoing premier Mario Draghi.
Pinakamababa sa kasaysayan ang naging turnout ng katatapos lamang na eleksyon sa bansa. Sa katunayan 64% lamang ng mga botante ang bumoto.
Nagtamo ng 44% ng mga boto at nanalo ang center-right coalition. Higit sa lahat nanalo si Giorgia Meloni ng Fratelli d’Italia na may higit sa 26% votes, kasama ang Lega Nord na bumagsak sa 9% votes at ang Forza Italia na nagtamo ng 8% votes.
Samantala, hindi pa umabot sa 27% ang center-left coalition: halos pumalo lamang sa 20% votes ang PD, ang Verdi at Sinistra ay higit naman sa 3% votes. Hindi naman umabot satarget ang +Europa at Impegno Civico.
Maganda ang resulta para sa M5S, na humigit-kumulang 15% votes, habang nanatili naman sa7% ang Azione-Italia Viva.
Inaasahan mapupunta sa center-right coalition ang 238 setas (out of 400 seats) sa Lower house at 112 (out of 200) naman sa Upper house. Samantala, para naman sa center-left coalition ay inaasahang mapupunta ang 78 seats sa Chamber of Deputies at 40 seats sa Senate.
Prime Minister ng Italya, paano niluluklok sa pwesto?
Batay sa sistema ng Italya, ang Premier ay hindi inihalal. Ang bagong premier o prime minister sa Italya ay pinipili batay sa majority na inihalal sa eleksyon at inaasahang ang head ng partido na nakatanggap ng pinakamaraming boto. Sa kaso ng katatapos lamang na eleksyon, ito ay ang far-right leader na si Giorgia Meloni ng Fratelli d’Italia. Gayunpaman, ang posisyon ay itatalaga ng Pangulo ng Republika, marahil ay magaganap bago magtapos ang buwan ng Oktubre, kasunod ng konsultasyon sa mga Partido.
Samakatwid, ang pagpili ng Presidente ng Konseho at ang pagbuo ng bagong gobyerno ay may mahaba at mahirap na proseso, kung saan mayroong ilang yugto:
- consultation phase (preparatory phase);
- stage of the assignment;
- stage of appointment.
Bago gampanan ang kani-kanilang mga tungkulin, ang Punong Ministro at ang mga ministro ay dapat manumpa at tanggapin ang vote of confidence mula sa Parliyamento.
Giorgia Meloni, tagumpay sa Halalan 2022
Matapos ang tagumpay sa katatapos lamang na eleksyon, inaasahang bubuoin ni Giorgia Meloni ng Fratelli d’Italia ang kanyang gobyerno, bilang unang-unang prime minister na babae sa Italya. Bagay na naka-alarma sa Europa dahil ang Italya ay ang ikatlong bansa sa Europa na pinakamalaki ang ekonomiya.
Nagsumikap si Meloni na palambutin ang kanyang imahe sa panahon ng kampanya, sa pamamagitan ng pagbibigay-diin ng kanyang suporta sa Ukraine at bahagyang binawasan ang pangungutya sa EU. Ngunit tandaan na si Meloni ay head ng isang partido na nabuo mula sa mga pasista ng diktador na si Benito Mussolini.
Narito ang ilan sa programa ni Giorgia Meloni:
- Yes to the natural family,
- No to the LGBT lobby;
- Yes to sexual identity;
- No to gender ideology;
- No to Islamist violence;
- Yes to secure borders;
- No to mass migration;
- No to big international finance;
- No to the bureaucrats of Brussels.
Epekto sa Imigrasyon
Para sa mga dayuhan, bawat pagpapalit ng gobyerno ay nangangahulugan ng malalaking pagbabago. Samakatwid, mahalagang malaman at maunawaan ang pagbabago sa mga direktiba sa imigrasyon.
Lahat ay posibleng magbago sa isang idlap. Mahalagang maging mapagbantay sa mga posibleng pagbabago.
Bagaman maraming mga New Italians o mga dayuhan na mayroong Italian citizenship ang nakaboto, mas marami ang mga dayuhan na walang Italian citizenship na maaapektuhan ng mga posibleng pagbabagong ito. (PGA)