Magkakaroon ng pagbabago, partikular pagluluwag sa indoor at outdoor dining sa mga restaurants at bar.
Simula sa April 1, 2022 ay sapat na ang Basic Green pass sa indoor dining sa mga bar at restaurants. Samakatwid, hindi na kakailanganin pa ang Super Green pass at sapat na ang pagkakaroon ng negative Covid test result para magkaroon ng balidong (Basic) Green pass.
Sa katunayan, sa paglalathala sa Official Gazette ng bagong Decreto Riaperture, sapat na ang (Basic) Green pass sa indoor dining tulad ng pag-inom ng kape sa bancone o sa counter ng bar.
Ito ay nasasaad sa artikulo 6, talata 2 ng decreto legge num. 24 ng 2022. Sa pagpasok sa mga restaurants at bar ay sapat na ang Green pass, na matatanggap sa pagiging bakunado kontra Covid19, paggaling sa sakit na Covid at pagkakaroon ng negative Covid test result.
Kakailanganin ba ang Green pass sa outdoor dining?
Simula April 1, 2022 hindi na kakailanganin ang (Basic) Green pass sa outdoor dining. Samakatwid, wala nang anumang restriksyon sa pagkain sa labas na bahagi ng mga bars at restaurants.
Kakailanganin ba ang Green pass sa mga restaurants sa loob ng mga hotels?
Samantala, hindi na rin kakailanganin ang Green pass para makapag-check in sa mga hotel simula April 1. Dahil dito, hindi na kakailanganin pa ang Green pass sa mga restaurants para sa mga guests ng hotels. At tanging sa mga clients ng restaurants na hindi nakacheck-in sa hotel lamang required ang Green pass.
Kailan tatanggalin ang Green pass sa mga bars at restaurants?
Simula May 1, 2022, kung magtutuluy-tuloy ang kasalukuyang sitwasyon ng pandemya, ay inaasahang tatanggalin na rin ang Green pass kahit sa indoor dining sa mga bar at restaurants. (PGA)