Simula December 6 ay magkakaroon ng pagbabago sa regulasyon ukol sa Green pass. Ito ay ang pagkakaroon ng Super Green pass o ang tinatawag na green pass rafforzato.
Narito ang pagkakaiba sa dalawang uri ng Green pass.
Super Green pass
Ito ay tinatawag din na green pass rafforzato. Inilunsad ng decreto legge na inaprubahan ng Konseho ng mga Minsitro noong nakaraang November 26. Ito ay simulang ipatutupad sa December 6, 2021 hanggang January 15, 2022.
Magkakaroon ng Super Green pass sa pamamagitan ng dalawang paraan:
- Bakuna kontra Covid19,
- Gumaling sa Covid19 sa huling 6 na buwan.
Simula December 6, ang mga mayroong super green pass lamang sa zona bianca ang makakapasok sa mga restaurants at bar (hanggang 75% ng maximum capacity sa outdoor at 50% sa indoor) cinema, theaters, wedding, public ceremonies, concert, stadium, (hanggang 75% ang maximum capacity sa outdoor at 60% naman sa indoor).
Sa zona gialla at zona arancione naman, ang pagkakaroon ng Super Green pass ay kailangan upang maiwasan ang mga restriksyon ng mga Rehiyon o Comune. Samakatwid, ay maaaring makapasok sa cinema, theaters, disco, events, sports events, public ceremonies, dine-in restaurants at bar sa kabila ng restriksyon.
Basic Green pass
Magkakaroon ng Basic Green pass sa pamamagitan ng Covid19 tests. Balido ng 72 hrs kung molecular test at 48 hrs para sa antigen rapid test.
Sa zona bianca, simula December 6, 2021, ang pagkakaroon ng basic green pass ay kailangan sa mga sumusunod:
- Pagsakay sa tren (kasama ang regional trains),
- Pagsakay sa local public transportation tulad ng tram, bus at metro,
- Pagpunta sa mga hotels,
- Paggamit ng spogliatoi al chiuso
Sa zona arancione ang mga mayroong basic green pass ay hindi maaaring magpunta sa dine-in restaurants, bars, gym, swimming pools, wellness centers, spas at iba pa.
Sa zona rossa, ang restriksyon ay para sa lahat: bakunado man o gumaling sa sakit na Covid19 at sumailalim sa Covid test.
Hanggang sa kasalukuyan ay mandatory sa pagpasok sa trabaho, pagpasok sa mga museums, pagpunta sa mga swimming pools, wellness centers, spas at pagpunta sa mga bar at restaurants at pagpasok sa mga paaralan (maliban sa mga mag-aaral) ang pagkakaroon ng basic green pass. (PGA)