Green pass sa Italya sa mga restaurants, bar at public transportation tulad sa France? Isang hakbang na pinag-aaralan din sa Italya sa pagbabadya ng muling pagtaas ng mga kaso at pagkalat ng Delta variant.
Dahil ang Green Pass ay magbibigay ng higit na kalayaan sa mga bakunado, makakahikayat sa mga nagdadalawang-isip hanggang sa kasalukuyan para magpabakuna at mapapabilis na maabot ang herd immunity sa bansa.
Sa katunayan, sa France, matapos i-anunsyo ni Pangulong Macron ang paggamit ng Green Pass sa mga restaurants at bars ay naging mabilis ang tugon ng mga mamamayan. Sa loob lamang ng ilang oras, isang milyong French ang nag-book ng kanilang appointment para sa bakuna at umabot ang pinakamataas sa 20,000 appointment bawat minuto. Dahil dito, maraming mga Rehiyon ang nagpahiwatig ng pagiging pabor sa pagpapatupad ng parehong hakbang sa Italya.
Nagpahiwatig din ng pagiging pabor si Emergency Commissioner Francesco Paolo Figliuolo. Aniya, ang bakuna ay isa sa mga susi para makabalik sa normal na pamumuhay. At ang mahikayat ang lahat sa gamit nito ay isang magandang solusyon. Makakatulong din ito sa vaccination campaign.
Umabot na sa 58 milyong dosis ang naiturok at mayroon ng 24,200,000 ang mga mamamayan na nakakumpleto na ng mga dosis ng bakuna kontra Covid19. Ito ay halos 45% ng kabuuang populasyon. Isang mahalagang bilang ngunit hindi pa sapat”, dagdag pa ni Commissioner.
Samakatwid, ang Green Pass ay mahalaga sa kasalukuyan. “Sa tulong nito, malalaman natin na ang taong nakaharap o nakapaligid sa atin ay nakakumpleto na ng dosis ng bakuna. At ang posibilidad na mahawahan ay minimal. Alam nating lahat na kung sakaling mahawa man, ang bakuna ay nagtatanggal sa mga sintomas at samakatwid ay naiiwasan ang hospitalization“, ayon kay Massimo Ciccozzi, Epidemiological Unit Director sa Campus BioMedico University of Rome. (PGA)