Kumpara bago ang pandemic ay lumala ang kundisyong pinansyal ng mga pamilya sa Italya. Ito ang resulta ng mga datos na nakalap ng Federcontribuenti at binigyang-diin ng consumer’s association ang pagbagsak ng halaga ng ISEE o ang economic situation indicator ng 48% ng mga pamilya sa Italya.
Sa isang note ay sinabi ni Marco Paccagnella, ang presidente ng Federcontribuenti, na maraming request araw-araw ngayong Enero ang kanilang natatanggap mula sa mga pamilyang naghahanap ng pautang o pera hindi para magbakasyon kundi para makapag-grocery o ang maitawid ang mga anak sa pang-araw-araw na mga gastusin. Panawagan ng asosasyon sa gobyerno na harapin ang tema ng ‘minimum wage’ sa bansa at ang pagbibigay ng tulong o ayuda sa mga pamilya na mayroong part-time at on-call contract.
Ayon pa sa consumer’s association, dapat ay sentro ng agenda ng gobyerno ang pagbibigay sa lahat ng mga mamamayan ng kita o sahod na katumbas ng cost of living. Hindi sapat ang pagtaas ng pensyon o ang mga ibinibigay na social help. Halos higit sa 50% ng mga pensyunado ang nakakatanggap ng pensyon na mas mababa sa €800,00 kada buwan. Gayunpaman, kasabay ng pagbabago sa halaga ng pensyon ay nangangailangan din ng paglikha ng tiyak at matatag na trabaho at hindi pagtaas ng buwis at mga bilihin lamang.
Dagdag pa ng presidente ng consumer’s association, mayroong mga pensyunado na wala pang €700 ang natatanggap at ilang pamilya na wala pang €1200 dahil sa uri ng employment contract. Ito umano ay muling nagpapakita kung paano ang reddito di cittadinanza ay dapat palitan agad ng isang ayuda na pantay pantay para sa lahat na hindi bababa ng €1500,00 upang matugunan ang pang-araw-araw na gastusin mula sa pagkain – kalusugan – edukasyon – at mga bills.