Apat (4) na mga Pilipino, sa kabuuang 28 non-Europeans ang mga opisyal na kandidato sa nalalapit na halalan sa Comune di Padova ng Commissione per la Rappresentanza delle persone padovane con cittadinanza straniera, na magsisimula sa June 14 hanggang July 14.
Layunin ng halalan ang pagkakaroon muli ng mga kinatawan ng mga non-Europeans o ang tinatawag na Commissione Stranieri na makakatuwang ng Konseho sa pagharap ng mga tema ukol sa migrasyon at mga imigrante, tulad ng nasasaad sa Regolamento della Commissione na inaprubahan ng Konseho n. 68 ng 19/10/2020, na matatandaang tinanggal ng nakaraang administrasyon.
Ang bilang ng miyembro ng Commissione Stranieri na ihahalal, batay sa mga datos mula sa Ufficio comunale di statistica ng Comune di Padova, ay 16, tulad ng nasasaad sa art. 5, talata 1 ng Regolamento.
Ang iba’t ibang komunidad ng mga dayuhan na itinuturing na malaking komunidad, o ang bilang ng mga residente ay katumbas ng 400 o higit pang indibidwal, ay dapat na may kinatawan, sa pagkakaroon ng isang kandidato bawat komunidad sa nalalapit na halalan.
Sino ang maaaring bumoto
Ang mga mamamayang rehistrado sa Comune o ang mga mamamayang dayuhang residente sa Padova na nasa listahan ng Commissione Elettorale, na sa araw ng eleksyon ay nagtataglay ng mga sumusnod na requirements:
- Non-European o non-EU citizen o Stateless;
- Mayroong balidong dokumento tulad ng Pasaporte, Carta d’identità, Driver’s license, Permesso di soggiorno;
- May edad 18 anyos pataas;
- Nakatala bilang residente sa Comune di Padova.
Paano boboto
Electronic system ang paraan ng pagboto sa limang sedi elettorali o voting centers. Ang mga botante ay kailangang magdala ng balidong dokumento.
Matapos mag-rehistro sa araw ng eleksyon ay bibigyan ng isang papel ang botante na mayroong QR code para sa access sa electronic ballot. Sa voting post ay itatapat ang QR code sa scanner. Sa screen ay matatagpuan ang electronic ballot. Dito ay makikita ang mga pangalan, gender, country of origin at larawan ng lahat ng mga kandidato, in random order.
Sa bawat kandidato ay mababasa kung kabilang sa malaking komunidad na may 400 o higit pang residente – Fascia A o Fascia B – na may mas mababang bilang ng mga residente.
Matapos mapili ang unang kandidato, ang mga botante ay maaaring pumili ng ikalawang kandidato (optional) mula sa ibang Fascia.
Kailan ang botohan
Simula June 14, 2021 hanggang July 14, 2021. Mula Lunes hanggang Biyernes 8:30 hanggang 12:30 at Sabado 9:00 hanggang 13:00. Tuwing Martes at Huwebes sa hapon.
Filipino Community sa Padova
Ang Comune di Padova ay mayroong kabuuang bilang na 34,306 ng mga dayuhang residente, kung saan 23,342 ang mga non-Europeans. Ang filipino community ay ang ika-apat na pinakamalaking komunidad sa Comune di Padova, na may bilang na 1,783. Ang pinakamalaking komunidad ay ang Moldavians (3,640), sinundan ng mga Chinese (2,867) at Nigerians (2,414). (PGA)
Basahin din:
- Para sa mga detalye ukol sa Eleksyon, i-click lamang ang link na ito.
- Para sa kumpletong listahan ng 28 kandidato, I click lamang ang link na ito.
- Para sa kabuuang popülasyon ng Comune di Padova, i-click lamang ang link na ito.