Magtatala ngayong linggo sa Italya ng heat wave hanggang 43° C, ayon sa weather forecast. Narito ang mga lugar na makakaramdam ng African week sa bansa.
Isang african week, o linggo ng matinding init ang inaasahan ngayong pagtatapos ng buwan ng Hunyo. Ayon sa weather forecast ay itatala ang linggong ito bilang pinakamainit na linggo ngayong summer.
Ang mga thermometer ay unti-unti ang pagtaas na sinimulan kahapon, araw ng Lunes hanggang ngayong araw, Martes partikular sa Tyrrhenian area, North West at lalong higit sa Sardegna.
Gayunpaman, ang dalawang pinakamainit na araw, ayon pa rin sa mga pinakahuling forecast, ay ang araw ng Huwebes at Biyernes.
Sa North Italy, inaasahang pinakamainit sa Alessandria sa Piemenote at inaasahan hanggang 42-43°C. Susunod naman ang Vercelli kung saan magtatala ng 40-41°C. samantalang sa Milan, Ferrara, Bologna at Trieste ay aabot naman sa 40°C ang thermometer.
Inaasahan din ang heat wave sa mga rehiyon sa Central Italy, partikular sa Tuscany region tulad ng Florence at Prato kung saan aabot sa 39-40°C ang init, katulad sa loob na bahagi ng Sardegna.
Aabot naman sa 37° ang kapital, ang Rome hanggang sa North ng Campania. Inaasahan din, bukod sa matinding init ay ang mataas na humidity kahit sa hatinggabi.