Habang nababahala ang buong mundo sanhi ng bagong coronavirus variant Omicron, nagbigay ng mga indikasyon si Interior Minister Luciana Lamorghese ukol sa pagpapatupad ng inaprubahang decreto legge, ang bagong Super Green pass simula December 6.
“Higit na kontrol” ayon sa Ministra sa ginawang pagpupulong ngayong araw kasama ang mga kapulisan – Carabinieri, Guardia di Finanza at local police.
Para sa buwan ng Disyembre, sa nalalapit na pagdiriwang ng kapaskuhan, bahagi ng administrative staff ng mga kapulisan ay inuutusan ding lumabas sa mga lansangan para sa karagdagang paghihigpit at kontrol. Kailangang masigurado ang random check ng Green pass sa mga public transportation at metro, aniya. Karagdagan dito, ay ang pagbabalik ng mask sa outdoor, partikular sa mga pangunahing shopping streets sa bansa.
Roma
Inaasahang simula December 6 ang pagsusuot ng mask sa outdoor ay magiging mandatory kung maraming tao sa Roma, pati sa ibang lugar sa Lazio.
Milan
Sinimulan noong nakaraang Sabado, Nov 27 ang pagsusuot ng mask sa outdoor Milan.Bagaman nagdesisyon si Mayor Giuseppe Sala na hindi muna mumultahan ang mga lalabag sa unang linggo. Gayunpaman, ayon sa ulat ng mga local police, karamihan ay gumagamit na ng mask sa outdoor.
Trieste
Sa Trieste, sa pagpasok sa yellow zone, tulad ng Friuli, ang super Green pass ay mas maagang ipinatutupad. Para sa mga dine-in restaurants ay hindi na sapat ang basic green pass na nakukuha din sa pamamagitan ng tampone, bagkus ay kailangan ang pagkakaroon ng Super Green pass.
Firenze
Sa Florence ay mandatory ang pagsusuot ng mask sa outdoor simula December 4.
Bologna
Sa Bologna, ang pagsusuot ng mask ay mandatory simula Nov 26 sa lugar ng centro storico. Ito ay ipatutupad hanggang January 9.