Ngayong araw, November 17 ay pumalo sa higit sa 10,000 ang mga bagong kaso ng Covid19 sa Italya.
Naitala ang 10,172 mga bagong kaso ng Covid sa isinagawang 537,765 tests. 72 naman ang naitalang mga biktima. Ang mga gumaling naman ay umabot sa bilang na 6,406.
Matatandaang ang huling petsa kung kailan naitala ang higit sa 10,000 bagong kaso ng coronavirus ay noong nakaraang May 8, 2021. Naitala ang 10,176 cases at 224 naman ang mga biktima.
Tumaas ang positivity rate sa 1.9% kumpara noong nakaraang Martes na 1.1%. Ito ay nangangahulugan na sa bawat 100 tests, higit sa 1 ang positibo. Ang percentage ay nagpapahintulot na maunawaan ang takbo ng virus sa bansa anuman ang bilang ng isinagawang mga tests.
Ang kabuuang bilang ng mga positibo sa Covid19 sa kasalukuyan ay 127,085. Ito ay higit ng 3,689 kumpara kahapon: 7,698.
Ang mga rehiyon na higit na apektado ng pagkalat ng Covid19 ay ang Lombardia (+1,858). Sinundan ng Veneto (+1.435), Lazio (+944), Campania (+871), Emilia Romagna (+756) at Piemonte (+756).
Ang mga rehiyon na nagtala ng pinakamaraming biktima ay ang Lombardia (+13), Tuscana (+11) at Campania (+10).
Pito naman ang mga rehiyon na walang biktima ng Covid19 sa huling 24 oras: Abruzzo, P.A. ng Bolzano, Umbria, P.A. ng Trento, Basilicata, Molise at Valle d’Aosta.
Samantala, naitala ang 4,060 bilang ng mga nasa ordinary Coronavirus ward. Ito ay higit ng 90 bed occupancy kumpara kahapon, Nov. 16. Ang kabuuang bilang ng mga nasa ICU ay 486 (higit ng 5 katao kumpara sa bilang kahapon).
Ang mga datos ng Covid sa Italya ay nagsisimulang maghatid ng pangamba. Partikular, dahil ang fourth wave ay nagsimula na sa ilang bansa sa Europa. Ang lahat ng atensyon ay nakatuon ngayon sa bilang ng mga bagong kaso araw-araw. Pati na rin sa bilang ng mga nasa ospital. Ito ay dahil kung lalampas sa limitasyon na itinakda ng gobyerno ay nanganganib na mapabilang sa zona gialla, o mas malala, sa zona arancione o zona rossa. Dahilan kung bakit ang pangunahing prayoridad ay ang third dose o ang booster shot.
Basahin din:
- Europa, dumadami ang mga biktima ng Covid19
- Europa, nasa fourth wave na ng Covid19
- Nagpabakuna ng AstraZeneca, kailan dapat gawin ang booster dose?