Walang bakuna? Hindi makakapasok sa nursery. Maaaring ipatupad sa susunod na pasukan.
Nobyembre 25, 2016 – Tila desidido ang Lazio region na sumunod sa yapak ng Emilia Romagna region kung saan inaprubahan ang isang batas sa reporma ng edukasyon sa nursery school na nago-obliga sa bakuna sa mga batang nais pumasok sa nursery.
Ito ay matapos ihayag ni Nicola Zingaretti, kasalukuyang Presidente ng Rehiyon ng Lazio, ang kanyang panukala sa Facebook: “Mandatory ang bakuna sa mga batang papasok ng nursery. Ito ay aking isusulong sa Regional Council upang maiwasan ang paglaganap ng mapanganib na sakit”
“Ito ay upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga bata. Matapos sa Emilia Romagna ay gagawin din natin ito sa Lazio” – dagdag pa ni Zingaretti.
Ang panukala ay maaaring ipatupad na sa sususnod na pasukan sa Setyembre. Layunin sa katunayan ay ang maipasok ito sa budget na aaprubahan bago magtapos ang taon.
Mula sa Regione Lazio, ipinaaalam na ito ay isang mahalagang hakbang upang mapangalagaan ang kalusugan kahit na “ang datos sa vaccination sa rehiyon ay mas mataas sa average percentage sa Italya partikular ang bakuna sa polyo, tetanus, pertussis at iba pa. “