Tulad ng unang inilathala ng akoaypilipino.eu, hangad ng bagong gobyerno ang baguhin ang nilalaman ng Decreto Salvini.
Sa katunayan, sa Oct 3 ay inaasahan ang muling pagsusuri ng Constitutional Affairs Committee sa naudlot na reporma sa citizenship na isinulong ng nakaraang gobyerno ni Renzi.
Ito ay tumutukoy sa ‘Ius Culturae’ o ang pagbibigay ng karapatan batay sa edukasyon ng mga ipinanganak sa Italya o dumating sa bansa bago ang 12 anyos at nag-aral sa Italya ng hindi bababa sa limang taon o nakapagtapos ng isang scholastic cycle, maaaring elementary o middle school.
Laman ng isusulong na bagong disegno di legge ang bagong paraan ng pagkakaroon ng italian citizenship batay sa tinapos na scholastic cycle sa bansa.
Kaugnay nito, matatandaang sa pamamagitan ng dating Minister of Interior Matteo Salvini ay inaprubahan ang Decreto Salvini kung saan nasasaad ang pagpapahaba mula 2 taon sa 4 na taong proseso sa mga aplikasyon ng italian citizenship.
Hangad din ng bagong gobyerno ang ibalik sa dating proseso ang mga aplikasyong nabanggit na nagpahirap sa sitwasyon ng libu-libong mga aplikante.
Sa katunayan, sa bagong disegno di legge ay nasasaad ang pagtatapos ng pagsusuri sa lahat ng uri ng aplikasyon ng italian citizneship (by marriage, residency, ius culturae) sa loob ng 24 na buwan o 2 taon mula sa araw ng pagsusumite ng aplikasyon.