Inaasahang lilisan ang matinding init ngayong weekend at magtatala naman ang panahon ng isang malaking pagbabago.
Ayon sa weather forecast, hanggang araw ng Biyernes, July 26 ay mararamdaman pa rin ang matinding init sa bansa gayundin sa ibang bahagi ng Europa.
Ngunit sa pagsapit ng Sabado, July 27 ay simulang sasama ang panahon at bubuhos ang ulan, malakas na hangin, thunderstorm at hailstorm sa ilang bahagi ng Italya.
Sa Central Italy ay inaasahan pa rin ang magandang panahon bagama kukulimlim sa ilang bahagi ng Toscana region.
Gayunpaman,sa pagsapit ng gabi hanggang hatinggabi ng Sabado ay mararanasan ang pagsama ng panahon hanggang kinabukasan, araw ng Linggo, partikular sa North (kabilang ang Liguria (Levante) at Toscana region.
Mula North ay bababa ang sama ng panahon sa Sentro sa araw ng Linggo partikular ang Umbria, Lazio at Marche. Mas masama ang panahon sa pagitan ng Veneto at Lombardia regions.
Bahagyang pag-ulan naman ang mararanasan sa Sardegna.
Sa South at Sicily, gayunpaman, ay magpapatuloy ang magandang panahon.
Kaugnay nito, sa Central North ay inaasahan ang pagbaba ng temperatura hanggang 10°-15° at ito ay pansamantalang magbibigay ng kapreskuhan.