Ilang Pinoy ang namataan sa mga videos na kumalat online matapos bumangga ang bus 301 sa isang puno sa Via Cassia, sa Roma kaninang umaga.
Makalipas ang alas 9 ng umaga ngayong araw, ang bus 301, tulad ng araw-araw na sitwasyon ng rush hour ito ay puno. Maraming mga commutters ang papunta sa trabaho o di kaya’y papunta sa eskwela. Ang ilan naman ay maaaring naghatid ng anak o maaaring simpleng may lakad lamang.
Ngunit pagsapit sa crossing ng Via Oriolo, sumalpok ang bus 301 sa isang puno, kung saan 20 ang nasugatan at 9 sa bilang na ito ang nasa malubhang kalagayan na mabilis na nasaklolohan.
Ayon sa mga commutters, mabagal umano ang takbo ng bus at kung sa anong dahilan na hindi pa maipaliwanag, ay malakas ang naging salpok nito sa puno na naging sanhi ng pagkabasag ng mga bintana, pagbagsak ng mga nakatayong commutters at pagsubsob naman ng mga nakaupo.
Kasalukuyang hindi pa matiyak ang naging sanhi ng pagbangga. Maaaring biglang pagkasira o distraksyon ng 40 anyos na driver ng bus. Ayon naman sa ilang ulat, kumpiskado diumano ang cellular phone ng driver na isinugod sa Santo Spirito hospital. Negatibo naman umano ang resulta sa drug/alcohol test. Ayon pa sa awtoridad, ang driver ay sasailalim sa isang interogation upang malaman ang naging tunay na kaganapan sa sandaling maayos na ang kalagyan nito.
Gayunpaman, kasalukuyang inaalam ng Ako ay Pilipino ang kundisyon ng ating mga kababayang sakay ng bus.