Itinaas ng Italian Civil Protection Department sa red alert ngayong araw, November 22, ang mga rehiyon ng Abruzzo at Sardegna. Siyam na rehiyon naman ang itinaas naman sa orange alert: ang ibang bahagi ng Abruzzo at Sardegna, Calabria, Friuli Venezia Giulia, Lazio, Molise, Basilicata, Campania at Veneto. Samantala, yellow alert naman ang 13 rehiyon.
Ang masamang kundisyon ng panahon sa bansa na nagsimula kagabi at inaasahang magdudulot ng malakas na ulan at hangin, posibleng pagbaha, pagbagsak ng mga puno at problema sa trapiko. Dahil dito, sinuspinde ang mga klase sa maraming bahagi ng bansa tulad sa ilang bahagi ng Sardegna, Abruzzo, Campania, Lazio, at patuloy ang pagbibigay ng mga updates ng bawat Comune sa posibleng pagbabago ng panahon.
Ang masamang kondisyon ng panahon ay inaasahan hanggang sa mga susunod na oras. Ang lahat ng mga mamamayan sa mga apektadong lugar ay pinapaalalahanang iwasan ang lumabas ng bahay at manatiling nakatutok sa bawat anunsyo at babala ng awtoridad.