Hindi epektibo ang ilang uri ng mask sa bagong variant ng Covid19. Ito ang babala ng Health Minister ng France kamakailan. Dahilan din ito ng obligadong paggamit ng FFP2 sa ilang bahagi ng Germany.
Patuloy ang pagkalat ng UK variant ng Covid19 sa Europa. Ayon sa mga pinakahuling ulat, ang bagong variant ng covid19 ang dahilan ng mabilis na pagdami ng mga bagong kaso sa second wave. Halimbawa na lang sa Germany, na mahusay namang naharap ang pandemya noong first wave nito.
Ngunit ang naging mutation ng virus ang naging dahilan ng pagiging higit na agresibo at higit na nakakahawa nito. Sanhi rin ng pagiging higit na malakas at pagiging resistent nito kahit sa mga proteksyong ginagamit sa kasalukuyan, tulad ng mga mask.
Sa katunayan, isang babala ang nagmula kay French health minister Olivier Veran sa isang panayam kung saan ipinapayo ang huwag gumamit ng mask na mas mababa sa 90% ang proteksyon. Tinutukoy nya ang mga telang mask, na may 70% na proteksyon lamang.
“Ang tanging mask na ipinapayo upang maproteksyunan ang mga sarili laban sa bagong variant ay ang surgical mask at ang FFP2”, paliwanag pa ng heath minister.
Matatandaang natagpuan sa France ang 9 na bagong variant ng virus at nananatiling mataas ang bilang ng mga kaso ng covid19 dito. Ang curfew ay nagsisimula ng 6pm sa buong bansa at iniisip din ng gobyerno ang posibleng ikatlong lockdown ng bansa dahil sa emerhensya.
Sa katunayan, ay ipinapayong gumamit ng surgical mask. At kung sakaling nasa indoor space o sa loob ng public transportation ay ipinapayong gamitin ang FFP2, na higit ang proteksyon kumpara sa surgical mask.
Ito rin ang dahilan kung bakit sa Baviera Germany, ay isang obligasyon ang FFP2 sa pagpasok sa mga shops at paggamit ng public transportation.