Mainit ang mga mata ng awtoridad sa Italya at maging sa Pilipinas sa ilang mga kilalang kumpanya ng seafarers dahil umano sa iligal na pagrekluta ng mga estrangherong marinero na walang sapat na dokumento at karamihan sa mga ito ay mga Pilipino. Ang mga kinumpiskang mga dokumento naman umano ay mga palsipikado pa.
Sangkot ang Italian managers na sina Sergio Costantini at Maurizio Caselli ng True Alliance Shipping Corporation at mga Pilipinong sina Henry James Avecila, Judith Cabrera, at Lucky Philip Cabrera na sinampahan na ng kaso ng National Bureau of Investigation sa Manila na nakikipagtulungan sa mga awtoridad ng bansang italya.
Ayon sa imbestigasyon, ang mastermind ng modus operandi na ito ay ang mga malalaking kumpanya na nakabase sa Italya. Ito ay ang “Grimaldi at Giuseppe Bottiglieri” na nakabase sa Napoli.
Ang mga Pilipinong sangkot naman ay dala ang ahensya sa Manila na may pangalang Oceanus Maritime Crewing Service. Ang huli ang nagsisilbing galamay ng mga Italyano sa Pilipinas. Lumabas din sa masusing imbestigasyon na ang ahensya ng Oceanus ay hindi rehistrado sa Pilipinas, bagay na inamin ng isa sa mga nasakoteng Pinoy.
Nagsimula ang lahat ng maghain ng pormal na rekamo ang Presidente ng Eagle Clark Shipping Philippines na si Leopoldo Arcilla Sr. Inireklamo nito ang malawakang illegal recruitment ng True Alliance na gamit ang mga tao ng Oceanus na siyang may direktang kinalaman sa mga pagpeke ng mga dokumento ng mga aplikante. Nabuklat din ang dalawa pang mga ahensya na kasabwat ng mga ito sa ilegal na operasyon, ang Mama Shipping at ang Marine Partners Monaco.
Maraming reklamo ang inihain mula sa iba’t-ibang mga ahensya sa Pilipinas man o sa Italya. Napag-alaman na sa pamamagitan ng “networking” na ito ay naisasakay ang mga pekeng marinero sa mga barkong under ng italian flag. Sa iligal na paraan na ito ay malaki umano ang natitipid ng mga kumpanyang sangkot dahil kumpara sa mga Italyano na tumatanggap ng buwanang minimum na 2000euro, ang mga Pilipino ay tumatanggap ng 900euro na minimum.
Malinaw sa statistics na ang halos 60 porsyento ng mga seafarers sa Italya ay mga estrangheros at maraming mga Italyano ang matagal na naghihintay para makasakay sa barko ngunit hindi makahanap ng puwesto dahil ang priority ay ang mga non-italians.
Marami din ang mga dati ng nagtatrabaho sa Italya, umuuwi ng Pilipinas “bibili” ng peke o dinoktor na Seaman’s book at pagbalik sa Italya ay nakahanda ng tanggapin ng mga kumpanyang hindi regular sa kanilang mga proseso. Mga seaman na walang sapat na training sa larangan ng kanilang trabaho, karamihan ay hindi marunong lumangoy.
Ayon sa NBI, ang problemang ito ng mga local companies laban sa mga ahensya ng Italya ay hinaharap din ng mas marami pang mga kumpanya sa loob at labas ng Pilipinas laban sa mga mas malalaking bansa tulad ng Estados Unidos at Gran Britanya. Bagamat malaki ang problema ng ganitong uri, hindi pa rin maikakaila ang katotohanan na ang mga pilipinong mandaragat ay isa sa mga pinaka “in-demand” sa industriya ng maritime service.
Quintin Kentz Cavite Jr.
Photo: dennisg21-J.Afeldt