IIlang araw matapos ang nakabibiglang insidente ng banggaan ng isang gas tanker at truck sa Autostrada14 sa may Borgo Panigale, Bologna, nagkaroon ng pagkakataon ang “Ako ay Pilipino” upang mapuntahan ang lugar at madalaw na rin ang mga pamilya ng mga Pilipinong nakatira malapit doon at siyang higit na napinsala ang mga tirahan.
Matatandaan na nitong ika-6 ng Agosto, 2018, Lunes, sa ganap na 1:48 ng hapon, ay bumangga ang gas tanker sa sinusundan na truck na nakahinto dahil sa trapiko. Sa ispekulasyon ng mga nag-imbestiga, maaaring ang drayber ng tanker ay inantok o sinamaan ng pakiramdam o naging abala sa paggamit ng kanyang cellphone, bagay na di niya napansin na nakahinto ang mga nauunang sasakyan. Sa pagkabangga nito, nagkaroon ng malakas na pagbuga ng maitim na usok at kasunod na nito ay ang malawakang pagsabog. Bumagsak ang bahaging yun ng kalsada, at nagliyab ang mga sasakyan sa kalapit na display area ng isang konsesyonaryo ng mga sasakyan sa Bologna. At dahil na rin sa may lamang gas ang tanker, nagdulot ito ng pagkalat ng kemikal na siyang sumunog sa mga bahagi ng mga kalapit na gusaling pang-negosyo at residensyal. Ang lakas naman ng vibration ng pagsabog ang siyang bumasag sa mga bintana at pintuang salamin at nagwasak sa ilang tirahan sa may punong-tulay ng Ponte Lungo.
Bukod sa pinsala sa paligid, ang bilang ng mga nasaktan ay umabot sa 145 katao, na dinala sa Ospedale Maggiore at sa iba pang mga ospital. Marami sa mga ito ay may mga nalapnos na balat o tinamaan ng mga nagtalsikang bahagi ng mga sasakyan o ng mga salamin. Apat sa mga ito ang nasa grabeng kalagayan, kabilang ang tinaguriang bayaning pulis na si RICCARDO MUCI, na nakatalaga sa pulisya ng Santa Viola, Bologna . Ang iba pang may mga minor na pinsala ay pinauwi na rin sa kani-kanilang mga tahanan. Ang tanging namatay lamang ay ang mismong drayber ng gas tanker na si ANDREA ANZOLIN, isang Italyano. .
Kabilang sa mga pamilyang Pilipino na lubos na napinsala ang tirahan ay ang mag-asawang JAIME at ROSALINDA DELA CRUZ na nakatira sa via Panigale 1, ang gusaling nasa dulo ng tulay. Kasalukuyan noong nasa kanilang trabaho ang mag-asawa at nagpasyang huwag nang umuwi sa bahay para sa kanilang pananghalian. Ikinagulat na lamang nila ang maraming tawag sa kanilng celphone at ibinabalitang ang kanilang bahay ay nasira dulot ng pagsabog. Ang kanilang anak na si RHUSSEL ay mapalad na wala sa bahay at nasa ibang bansa. Ang mag-asawa ay kasalukuyang tumutuloy sa isang hotel dahil hindi maaaring panirahan pansamantala ang bahay.
Ang pamilya nila JUANITO DES ONO at JOESY DUMAGUING , na sa gusaling yun din sa via Panigale 1 nakatira, ay kasalukuyan namang nanananghalian, kasama ang menor na anak at 6-na buwang sanggol. Nung una nilang mapansin ang makapal na usok ay nakunan pa nila ng video, pero laking gulat nila ang sumunod na ang pagsabog at noon na nga nabasag ang mga bintana at pintong salamin at nawasak ang halos kabuuan ng kanilang tahanan. Mabuti na lamang at nakatakbo silang palabas ng bahay at himala namang walang nasaktang miyembro ng kanilang pamilya. Sa ngayon, sa pinsalang nangyari sa kanilang tahanan, matatagalan bago nila ito matirahang muli.
Ang ikatlong pamilya na mayroong maliit na pinsala sa kanilang tirahan ay pamilya nila TERESITA ESPELETA, ANGELICA DELOS REYES at JOHN TRISTAN CHUA, kasama ang 2-buwang sanggol na si JACOB at ang nagbabakasyong pamangkin mula sa Milano na si SEAN YUEN SAMONTE. Ang kanilang tahanan ay sa Via Amatore Sciesa 14. Bagama’t di kalakihan ang pinsala sa kanilang tahanan dahil sa layo ng distansiya, nagkagatla ang mga salaming bintana nila at nasira ang ilang bahagi nito, at ang buong gusali naman ay nagkaroon ng mga crack . Ang ikinabahala nila ay ang nalanghap na usok na kemikal na bumalot sa loob nga kanilang tahanan at ang trauma na idinulot sa kanila lalo na sa batang si SEAN na nagkuwento ng kanyang naramdamang takot nung kasalukuyan silang niyanig ng pagsabog at pinasok ng mainit na hangin ang bahay.
Naging maagap naman ang pamunuan ng KONSULATO NG MILAN, na binubuo nila VICE-CONSUL AWEE DACANAY, OWWA WELFARE OFFICER JOCELYN HAPAL at ASSISTANCE TO NATIONALS OFFICER SYLVIA DE GUZMAN, dahil sa kanilang pagdalaw sa tatlong pamilyang ito nitong hapon ng Agosto 7, 2018. Kinapanayam nila ang mga miyembro ng pamilya at nagbigay ng suportang moral at nagsabi na nakahandaang Konsulato na matulungan sila. Kasama nila sa larawan si Ryan Arbilo, ang pamosong Pinoy Photographer mula sa Paris, na tumulong na rin sa dokumentasyong kinailangan habang narito sa Italya.
Sa ngayon, ay di pa malinaw kung saan manggagaling ang pondo para sa rehabilitasyon ng kanilang mga tirahan. Ngunit ayon sa panayam sa alkalde ng Bologna na si VIRGINIO MEROLA, dapat lamang na managot ang insurance company kung saan nakadepende ang kompanya ng gas tanker. Ang maaari lamang na maitulong ng Prefettura ay ang maging sentro ng komunikasyon para sa mga naapektuhang negosyo at mga mamamayang nasiraan ng tirahan o gusali upang mapadali ang mga kinakailangang hakbang sa rehabilitasyonng kani-kanilang gusali.
Para sa mga kababayang Pilipino sa oras ng mga katuladna insidente, maging laging handa tayo , maging kalma at malinaw ang isip sa pagpapasiya…walang higit namakakatulong sa atin kundi ang ating mga sarili. Magkaroon lagi ng pakikipag-ugnayan sa kapwa at sa pamunuan ng gobyerno, ng Pilipinas at maging ng Italya.
Dittz Centeno-De Jesus
Mga kuha ni:
Ryan Arbilo