Kasabay ng pagdiriwang ng International Women’s Day ngayong araw, ginunita ng unang-unang babaeng premier sa kasaysayan ng Italya, Giorgia Meloni ang mga kababaihan na naging biktima ng karahasan.
Aniya, dapat na ipagpatuloy ang laban sa lahat ng uri ng karahasan para sa bawat babae na naging biktima ng pag-uusig, diskriminasyon at pang-aabuso.
Kaugnay nito, ayon sa report na inilabas ng central directorate of crime police ay tumaas sa 125 ng 2022 mula sa 119 noong nakaraang taon ang femicide attacks. May kabuuang bilang na 103 ang mga kababaihang pinatay ng kanilang asawa o partner o ng dating-asawa o partner o ng ibang miyembro ng pamilya. Batay pa sa report, 95% ng mga biktima ay may edad higit 18 anyos at 22% naman ay pawang mga dayuhan.
Ayon kay Meloni, tungkulin ng institusyon na tiyaking hindi na magaganap muli ang ganitong uri ng dahas.
“Bukod dito, tungkulin din ng institusyon na tanggalin ang mga hadlang na hindi nagpapahintulot sa lahat ng mga kababaihan na maipakita ang kabuuan ng kanilang hindi mababayarang kakayahan sa iba’t ibang mga sektor “, Aniya.
Matatandaang kahapon, araw ng Martes, sinabi ni Meloni, na nalalapit na ang panahon para magkaroon ng unang babaeng presidente ng Republika ang bansang Italya.
Dagdag pa niya sa ginanap na seremonya sa Women’s hall sa Lower House, wala na umanong hahadlang pa na magkaroon ng matataas na posisyon ang mga kababaihan. Ang Women’s hall ay iniaalay sa mga unang kababaihan na nakapasok sa Italian institution kung saan idinagdag ang litrato ni Meloni sa iba pang naka-display doon.
Ang Marso 8 ay hindi dapat maging araw upang tanggapin nating mga kababaihan ang mga dapat na ibigay sa atin, bagkus ay maging araw ito ng pagpipitagan sa kung ano ang maaari nating gawin, gusto man ito ng iba o hindi”, Giorgia Meloni.
“Ang aking pangako sa mga kababaihan sa Italya na nahaharap sa matinding paghihirap araw-araw upang mapahalagahan ang kanilang mga talento at kilalanin ang kanilang mga sakripisyo. Gayundin, araw-araw kong pangako na maghahanap ng mga solusyon upang ang mga kababaihan ng bansang ito ay lubos na mapagtibay ang kanilang sarili nang hindi kinakailangang isakripisyo ang ibang bagay, dahil hindi iyon tama,” pagtatapos niya.