Sa ilalim ng bagong batas ay kasamang nagbago rin ang taon ng proseso ng aplikasyon ng italian citizenship. Sa parehong by residency at by marriage.
Aprubado noong December 18, 2020 ang bagong Decreto Immigrazione e Sicurezza, Legge 18 dic. 2020 n. 173. Ito ay simulang ipinatupad noong December 20, 2020. Matatandaang kilala ito sa dating tawag na Decreti Salvini.
Samakatwid, ang panahon ng proseso ng mga aplikasyon makalipas ang December 18, 2020 ay dalawang taon na lamang. Gayunpaman, ang panahong nabanggit ay maaaring umabot hanggang maximum na tatlong taon. At hindi na apat na taon tulad ng nasasaad sa dating Decreto Salvini.
Susog sa Decreto Salvini – Decreto Legge n. 130 ng 2020
Sa orihinal na teksto ng Decreto Legge 21 ott. 2020 n. 130, ang itinalagang panahon ng proseso ng aplikasyon ng italian citizenship ay tatlong taon o 36 na buwan. Ito ay bilang susog sa 4 na taong proseso na nasasaad sa Decreto Salvini.
Samantala, sinusugan ulit ng Chamber of Deputies ang itinakdang bagong panahon sa DL. At ito ay ibinaba sa dalawang taon hanggang maximum na tatlong taon.
Samakatwid, ang panahong ipaghihintay ng dayuhang mamamayan upang maging Italian citizen matapos isumite ang aplikasyon ay mula dalawang taon. Hindi na kakailanganin pang maghintay ng apat na taon (48 mesi) dahil ang Decreto Immigrazione e Sicurezza ng December 18, 2020 ay ganap na tinanggal ang nasasaad sa Decreto Salvini.
Ang pagpapatupad ba ng 2 taong proseso ay retroactive?
Sa talata 6 ng batas ay nasasaad ang pagpapatupad ng bagong itinakdang panahon o dalawang taong proseso ay hindi retroactive. Ito ay nakalaan para sa mga aplikasyon ng Italian citizenship na isusumite makalipas ang pagsasabatas ng dekreto at pagpapatupad nito. Tulad ng nabanggit sa itaas, makalipas ang December 20, 2020.
Paalala: Nananatiling obligado ang pagkakaron ng sertipiko sa wikang italyano sa B1 level. (PGA)