in

Jubilee 2025, ang Paghahanda para sa Holy Year sa Roma

Habang papalapit ang Jubilee 2025, may ilang partikular na mga detalye tungkol sa mahalagang kaganapang ito na marahil ay hindi alam ng nakararami.

Una sa lahat ang Jubilee Year o Holy Year sa Roma ay isang espesyal na taon ng biyaya para sa Simbahang Katolika. Ito ay panahon ng pagpapatawad, pagbabalik-loob, at pagkakaisa. Ito ay ipinagdiriwang tuwing ika-25 taon (bagaman mayroong mga “Extraordinary Jubilee” na itinatalaga ng Santo Papa sa mga natatanging pagkakataon). Ang susunod na Jubilee Year ay itinakda para sa taong 2025, na isang Ordinary Jubilee Year.

Jubilee Year: Pagbubukas ng mga Holy Door

Sa pagdiriwang ng Jubilee, isa sa pinakamahalagang kaganapan ay ang pagbubukas ng mga Porta Santa o Holy Door.

Ang Holy Door ay isang pinto sa bawat isa sa apat na basilika na binubuksan lamang tuwing Jubilee Year. Ang pagbubukas ng mga pintuang ito ay simbolo ng pagbubukas ng daan patungo sa kaligtasan at pagbabalik-loob. Isa itong makasaysayang seremonya na pinangungunahan ng Santo Papa sa simula ng Jubilee Year.

Maraming tao ang naniniwala na iisa lang ang Holy Door at matatagpuan ito sa Basilica di San Pietro. Sa katunayan, may iba’t ibang Holy Doors, at bawat isa ay may kani-kaniyang kahulugan. Ang hindi alam ng marami na bukod sa apat na pangunahing Banal na Pinto, bagaman ang mga ito ang pinaka-kilala at madalas banggitin, may dalawa pang Holy Doors sa Assisi na tinuturing na mga menor.

Ang apat na pangunahing Holy Doors sa Roma ay matatagpuan sa apat na mga pangunahing basilika sa Roma: ang Basilica di San Pietro sa Vatican, San Giovanni in Laterano, San Paolo fuori le mura, at Santa Maria Maggiore. Lahat ng mga Holy Doors ay simbolo ng pagpapatawad at paglilinis ng kasalanan, at ang bawat isa ay may kanya-kanyang kahulugan. Sa pangkalahatan, ang mga ito ay nagbibigay ng indulgenza plenaria o plenary indulgence, o buong kapatawaran ng mga kasalanan.

Jubilee Year: Mga Kaganapan

Ang Jubilee 2025 ay opisyal na bubuksan sa December 24, 2024 sa ganap na alas-7:00 ng gabi, sa pamamagitan ng Pagdiriwang ng Holy Eucharist na pangungunahan ng Santo Padre sa Piazza San Pietro. Susundan ito ng seremonya ng Pagbubukas ng Holy Door.

Matapos ang pagbubukas ng Holy Door ng Basilica di San Pietro, sa susunod na Linggo, Decembre 29, 2024, ay bubuksan ang Holy Door ng Basilica di San Giovanni in Laterano. Sa January 1, 2025, ay bubuksan naman ang Holy Door ng Basilica di Santa Maria Maggiore. At sa araw ng Linggo, January 5, ay bubuksan ang Holy Door ng Basilica di San Paolo fuori le Mura.

Sa pagbubukas ng mga Holy Doors sa Roma, magsisimula ang isang Jubilee Year na puno ng mga natatanging pagdiriwang, karamihan dito ay nakatakda na. Ayon kay Monsignor Rino Fisichella, Pro-prefect of the Dicastery for Evangelization at responsable sa organisasyon ng Jubilee para sa Vatican, inaasahang humigit-kumulang 35 milyong peregrino ang dadagsa sa buong taon. Aniya, naihanda na umano ang lahat at sa ngayon ay hinihintay na lamang ang pagdating ng mga bisita at iniisip kung paano maaabot ang lahat ng mga peregrino. Kaugnay nito, hinihikayat ang mga Katoliko sa buong mundo na maghanda sa pamamagitan ng sakripisyo, pagkakawanggawa, at pagninilay.

Simula January, may mahigit tatlumpung kaganapan na ang nakatakda, at sa pamamagitan ngweb portal www.iubilaeum2025.va ay maaaring makapagpa-book bago magtapos ang buwan ng November.

Magbubukas ng serye ng mga kaganapan ay ang Jubilee of the World for Communication January 24-26, kung saan magkakaroon ng iba’t ibang talakayan para sa spiritual reflection, at holy mass na pangungunahan ni Pope Francisco. Mga kaganapan at pagdiriwang na magbibigay-buhay sa lahat ng mga aktibidad na nakatakda sa buong Holy Year.

Bukod sa paghahandang espiritwal, patuloy ang paghahanda at pag-aayos ng mga pangunahing simbahan sa Roma. Tinitiyak ang kalinisan, kagandahan, at seguridad ng mga ito para sa pagdagsa ng mga peregrino.

Bukod sa mga simbahan, pati ang mga pangunahing daan, pampublikong transportasyon, at mga pasilidad sa Roma ay nagkakaroon din ng pagsasaayos upang masiguro ang magandang karanasan ng mga bisita at pag-iwas sa trapiko at iba pang abala. Sumasailalim din sa renovations at remodeling ang mga tourists spots, kalsada at mga plasa, para sa mga milyun-milyong tao mula sa iba’t ibang panig ng mundo na inaasahang darating sa Roma.

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

Decreto Flussi 2025: Narito ang Bawat Hakang ng Precompilation

Central Mediterranean: Over 500 Dead and 830 Missing in 2024, a Never-Ending Migration Crisis