Ang mga araw ng Sabado at Linggo, June 8 at 9, 2024 ay ang itinakdang Election Day 2024 sa Italya, para sa European Parliament at Italian Election.
Ang Italya ay boboto para sa European Election kung saan maghahalal ng 76 – may kabuuang 720 – na kinatawan sa European Parliament. Kasabay nito, magaganap din ang regional election sa Piemonte at ang local election sa halos 3700 municipalities.
Ang mga polling stations ay magsisimula mula 2 p.m. hanggang 10 p.m. sa Sabado at mula 7 a.m. hanggang 11 p.m. sa araw ng Linggo.
Sa mga boboto ay kasama ang mga naturalized Italians o ang mga dating dayuhan na ngayon ay ganap na mga Italian at samakatwid European citizen din. Sila ay mayroong karapatan na bumoto at ang iboto at samakatwid ang maging bahagi sa nalalapit na election day.
Tandaan ang bawat botante ay boboto sa kani-kanilang Comune di Residenza. At kailangang dala ang carta d’identità at ang tessera elettorale.
Basahin din:
European Election
Upang makaboto sa nalalapit na European Election, requirement ang pagiging Italian citizen at nasa hustong gulang, 18 anyos. Sa unang pagkakataon, ang experimental remote voting ay gagawin sa nalalapit na European election para sa mga mag-aaral na nasa labas ng bansa na mula tatlong buwan ngunit hindi kasama ang mga workers at ang mga nasa labas ng bansa for health reason.
Ang European Parliament, hindi katulad ng European Commission, ay direktang inihahalal ng mga mamamayan tuwing limang taon. Nagtatag ang EU ng ilang general rule para sa parliament election: isa sa mga ito ay ang pagpapatupad ng proportional system na naglalaan ng bilang ng seats proporsionally sa mga botong natanggap. Bilang karagdagan, maaaring magtakda ang bawat country member ng kanilang sariling pamamaraan ng eleksyon.
Sa Italya, ang electoral system para sa EU election ay nakapaloob sa Batas 18/1979, na sinusugan at dinagdagan sa mga sumunod na batas.
Sa katunayan, sa proportional system ay idinagdag ang isang national threshold ng 4% at ang pagkakataon na maglagay sa balota ng mula isa hanggang tatlong preferences. Sa kaso ng pagpili ng higit sa isa, kinakailangan ang pagpili ng mga kandidato ng opposite sex, samakatwid, isang lalaki at isang babae – kung hindi, ang ikalawa at ikatlong pangalan ay mababale-wala. Mahahalal ang mga kandidato na makakatanggap ng pinakamaraming boto sa bawat lista. Sa kaso lamang ng tie, ipatutupad ang batay sa pagkakasunod-sunod sa lista.
Sa Italya, ang boto ay batay sa limang supra-regional electoral constituencies. Ang mga botante ay pipili sa mga kandidato na nasa listahan ng kanilang distrito o circoscrizione kung saan residente: Nord Occidentale, Nord Orientale, Centrale, Meridionale, Insulare.
Ang bawat distrito ay mayroong bilang ng mga seats batay sa populasyon ng mga naninirahan. Ang bawat partido ay maaaring magpresenta ng maximum na bilang ng mga kandidato sa kanilang listahan katumbas ng kung gaano karami ang seats na mayroon ang distrito. Ang isang kandidato ay maaaring kumandidato sa higit sa isang distrito, kahit bilang unang kandidato o capolista. Kung mahahalal sa higit sa isang distrito, kinakailangang pumili kung saan niya nais na opisyal na mahalal at maaaring pumili kung sinu ang nais niyang ipalit sa mga may pinakamaraming boto.
Italian Election
Kasabay ng European Parliamnet election ay magaganap din ang regional election sa Piemonte at ang local election sa halos 3700 municipalities.
Kabilang sa mga Municipalities na maghahalal ng bagong Mayor at bagong City Council, ay mayroon ding 27 mga provincial capitals: Ascoli Piceno, Avellino, Bari, Bergamo, Biella, Cagliari, Caltanissetta, Campobasso, Cremona, Ferrara, Florence, Forlì, Lecce, Livorno, Modena, Pavia, Perugia, Pesaro, Pescara, Potenza, Prato, Reggio Emilia, Rovigo, Sassari, Verbania, Vercelli, at Vibo Valentia. Anim sa nabanggit ay mga regional capitals kung saan magkakaroon ng eleksyon ay ang Bari, Cagliari, Campobasso, Florence, Perugia, at Potenza.