Ang ora legale ay muling nagbabalik sa taong 2023. Ang mga orasan ay nakatakdang palitan nang mas maaga ng isang oras at magkakaroon ng mas mahabang araw kaysa sa gabi.
Ang pagpapalit ng oras ay magaganap sa Linggo, March 26. Kailangang agahan ng isang oras o ilipat ang orasan paabanti, mula alas 2 sa alas 3 ng madaling araw.
Ito ay nangangahulugan nang mas maigsing tulog ng isang oras at samakatwid, mas maaga rin ng isang oras babangon mula sa higaan.
Ang paggamit ng daylight saving time na itinalaga sa Italya bilang isang batas sa panahon ng digmaan noong 1916, ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng karagdagang isang oras na natural na liwanag at binabawasan nito ang pangangailangan para sa artipisyal na pag-iilaw. Ito ay nagpapahintulot, sa panahon mula Marso hanggang Oktubre, na pakinabangan ang pagkakaroon ng sikat ng araw at mabawasan ang konsumo ng kuryente.
At dahil na rin sa mataas na halaga ng kuryente, ay uminit ang diskusyon ukol sa pagtatanggal sa pagpapalit ng oras at pagpapatupad ng ora legale sa buong taon.
Ang ora legale ay mananatili hanggang October 29, 2023.