Ang pahayag ng asosasyon ng Contribuenti.it
Roma, September 2010 – Halos ang kalahati ng mga dayuhang colf sa Italya ay wala pang permesso di soggiorno kahit naisumite ang mahahalagang dokumentong kailangan.
Ito ang naging pahayag ng Contribuenti.it. Sa loob ng isang taon, ayon sa statistics ng asosasyon, mahigit sa 300,000 na household service workers (colf) ay naghihintay pa rin ng appointment sa questure para lumagda sa contract of employment na basehan upang magkaroon ng permit to stay (permesso di soggiorno).
Napag-alaman na sa Questura ng Latina ang may pinakamababang porsyento (22,71%) ng mga dayuhang lumagda sa kontrata. Sumunod ang Napoli na may 23,76% at Torino na may 27,83% ng aplikasyon na napag-aralan na. Ang mga kontratang napirmahan sa national level ay umaabot sa 174,000 pa lamang samantala may 300,000 na aplikasyon. Nangangahulugan na ang 41% na pamilya ay hindi pa pumipirma sa kontrata ng kanilang colf.