Mula sa 312 na positibo sa Covid19 sa Roma noong nakaraang June 22-28 ay tumaas ito sa 1,766 na positibo nitong July 13-19. Ang kurba ay muling tumataas sa lugar. Ang Delta variant matapos ang pagdiriwang ng tagumpay ng Italya sa European Championship ay muling nagpapayanig sa mga health facilities sa lungsod. Gayunpaman, ayon sa Region Lazio, ang bilang ng mga positibo ay nananatiling under control.
Nagsimulang mangamba ang mga eksperto sa pagdami muli ng mga kaso ng Covid nang magsimula ang Union of European Football Associations o EUFA Championship, partikular matapos ang pagkapanalo ng Italya.
Kabilang na din dito ang unang naitalang outbreak sa isang pub sa Roma Monteverde noong nagkaroon ng laban ang Italy-Belgium. Nagtala ito ng 105 kumpirmadong kaso, kasama na rin ang mga pamilya at kaibigang nahawahan ng mga kabataang nagsama-samang nanood ng laban sa pub. Malaking bilang ng mga nag-positibo ay mga kabataan: 92 sa naitalang 105 ay mas bata sa 25 anyos. Ang pinakabatang naitala ay 9 na taong gulang.
“Ang bilang na nabanggit ay inaasahang tataas pa bilang epekto ng mga naging pagdiriwang ng mga kabataan sa pagkapanalo ng Italya. Ito ay inaasahang magtatagal din ng ilang araw. Karamihan ng mga nag-positibo ay mga kabataan at hindi pa mga bakunado. Ito ay nangangahulugan lamang na mahalaga talaga ang magpabakuna ang lahat upang maabot ang tinatawag na herd immunity”, ayon kay Lazio Assessor Alesso D’Amato.
Bukod sa pagdiriwang sa pagkapanalo ng Italya ay naitala din ang ibang social gatherings kung saan nagkaroon din ng outbreak ang Delta variant. Sa Ostia beach ay naitala ang 26 na kaso matapos ang sayawan, Nagtala din ng mga kaso sa ilang centri estivi sa Portuense at Balduina. (PGA)