in

Libing ni Pope Francis: Funeral Procession Mula St. Peter’s Patungong St. Mary Major Maggiore

Hindi daraan sa Piazza San Pietro ang funeral procession ni Pope Francis matapos ang misa sa St. Peter’s Basilica. Sa halip, lalabas ang prusisyon sa Porta del Perugino at susunod sa rutang itinakda ng Questura (Italian police). Inaasahang aabutin ng halos kalahating oras ang biyahe nito.

Ang casket ni Pope ay ilalagay sa isang espesyal na sasakyan na magpapahintulot na makita ng publiko ang loob nito, upang ang mga tao ay makapagbigay galang habang ito’y dumaraan sa kalsada.

May layong anim na kilometro ang tatahakin ng prusisyon, na dadaanan ang ilang pangunahing kalsada sa Roma. Bahagi nito ay sumusunod sa sinaunang Via Papalis — ang rutang dating tinatahak ng mga papa matapos ang kanilang eleksyon at konsagrasyon sa San Pietro, patungong Lateran Basilica, ang opisyal na katedral ng Obispo ng Roma.

Isang mahalagang bahagi ng ruta ay ang pagdaan sa Colosseo, isang makasaysayang lugar na taon-taon ay nagsisilbing tagpuan ng tradisyunal na Via Crucis tuwing Biyernes Santo. Dahil sa seguridad, isasara sa trapiko ang mga lansangang daraanan ng prusisyon. Tatanggalin ang mga nakaparadang sasakyan, maglalagay ng mga harang, at titiyaking mahigpit ang pagbabantay ng mga awtoridad.

Susundan ang kabaong ni Pope Francis ng ilang sasakyan ng mga kardinal. Ayon sa Prefect Lamberto Giannini, ang mga tao ay maaaring sumulyap at magbigay-galang sa pontipiko mula sa likod ng mga harang na itinayo sa gilid ng lansangan.

Samantala, tinutukan din ng mga awtoridad ang paligid ng Basilica of St. Mary Major, kung saan inilibing si Pope Francis. Sa mga nakaraang araw, tumaas ang bilang ng mga bumibisita — umabot sa 15,000 katao kahapon, April 25 ng umaga ayon sa datos ng prefecture. Apat na maxi screen ang inilagay sa lugar upang masubaybayan ng publiko ang libing at seremonya ng paglilipat ng kanyang mga labi.

“Matapos ang pribadong internment ng labi ni Pope Francis, papayagan ang mga mananampalataya na magbigay ng huling paggalang,” ayon kay Lamberto Giannini ng Department of Civil Protection sa ulat ng Ansa.

Ang makasaysayang paglilibing na ito ay naging testamento hindi lamang ng pananampalataya kundi ng malalim na koneksyon ni Pope Francis sa mga tao—lalo na sa mga nasa laylayan ng lipunan. (Photo credit: Ansa)

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

April 26: Funeral Mass ni Pope Francis at Paglilibing sa Basilica of St. Mary Major