Ibinalik sa € 2000.00, sa halip na €1000.00, ang limitasyon sa paggamit ng cash payment sa Italya.
Dahil sa susog na inaprubahan sa Milleproroghe decree, muling ibinalik ang €2,000 euros na limitasyon sa paggamit ng cash sa bansa. Ito ay may retroactive effect simula noong January 1, 2022.
Matatandaang noong January 1, 2022 ay ibinaba ang limitasyon sa €1,000. Inaasahang ibabalik ang limitasyon sa nasabing halaga sa January 1, 2023.
Ang pagbabago, ayon pa sa dekreto, ay makakaapekto sa mga naging paglabag noong simula ng taon, noong ang limitasyon ay pansamantalang ibinaba sa € 1,000. Sa pagpapatupad ng prinsipyo ng favor rei, anumang pagpapadala ng pera o remittance na lampas sa itinalagang limitasyon, na ngayon ay binago na, ay ituturing na hindi na paglabag. Sa kondisyong, ito ay hindi lalampas sa halagang € 1,999.99.
Gayunpaman, inirerekomenda pa rin sa domestic job ang patuloy na pagbibigay ng sahod sa paraang traceable, sa pamamagitan ng online, bank transfer, debit o credit card o tseke. Sa ganitong paraan lamang, sa katunayan, posibleng mapatunayan ng worker, ang pagtanggap sa halagang binayaran ng employer. (PGA)