Total lockdown sa bansa. Ito ang hiling ng mga duktor ilang araw na ang nakakaraan na marahil ay isaalang-alang na ng Gobyerno. Ang sitwasyon sa mga ospital, partikular sa mga Pronto Soccorso o Emergency Room, ay palala ng palala. Ang sitwasyon sa mga ICUs ay nakakapag-alala. Kasabay nito ay ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga bagong infected ng virus. Nanganganib na ang regional health system ay tuluyang bumigay bago pa man ang pagbaba ng kurba ng mga infected.
Dahilan ng pagpapatupad ng DPCM ng November 3 kung saan ang Italya ay nahati sa 3 magkakaibang bahagi batay sa iba’t ibang sitwasyon – zona rossa, zona arancione at zona gialla.
Ngunit sa paglala ng sitwasyon at hindi mapigilang pagtaas ng kurba sa susunod na 5 araw, marahil ang iniiwasang lockdown ay muling ipatutupad sa bansa, ayon sa mga huling ulat. Gayunpaman, ito ay itinanggi ng ilang politiko “Sa ngayon ay walang ganyang hipotesis ang gobyerno“.
Ang petsa ng November 15 ay isang mahalagang petsa kung hanggang kailan posibleng maramdaman ang epektong hatid ng huling DPCM, ayon pa sa mga eksperto. Kung sa loob ng 5 araw mula ngayon Nov. 10 ay walang magandang epektong hatid ang huling DPCM, ang buong bansa, marahil ay sasailalim sa zona rossa.
Ito ay nangangahulugan ng isang national lockdown kung saan ipagbabawal sa lahat ang lahat ng hindi mahalagang dahilan ng sirkulasyon o paglabas ng bahay maliban sa trabaho, kalusugan, emerhensya at matinding pangangailangan.
Gayunpaman, ang bagong DPCM ay pagdidiskusyunan ng Gobyerno, kasama ang mga Rehiyon at ang CTS o Comitato Tecnico-Scientifico hanggang sa susunod na weekend.
Kaugnay nito, patuloy ang panawagan sa lahat ng pakikiisa at pagsunod sa huling DPCM.