Minultahan ng mga Carabinieri ang 5 Pinoy sa Roma. Ito ay matapos lumabag sa nilalamang anti-covid19 preventive measures ng DPCM. Ayon sa ulat, isang bbq party ang dahilan ng multahan.
Halos oras na ng tanghalian noong nakaraang Linggo ng mapansin ng mga residente sa via Carlo Perrier, sa zona Monti Tiburtini, ang pagkalat ng usok sa lugar. Ikinabahala ng mga residente ang hindi malamang posibleng pinanggagalingan ng kumakapal na usok. Dahilan upang tumawag sa 112 upang i-report ang mga kaganapan.
Rumisponde ang mga carabinieri ng Nucleo Radiomobile di Roma. Dumating din ang mga militar. Makalipas ang ilan pang sandali ay sinundan ng mga awtoridad ang pinanggagalingan ng usok hanggang umabot sa isang ‘autorimessa’ o isang lugar kung saan nakaparada ang mga sasakyang irerepair.
Dito ay ikinagulat ng limang pinoy na nagkakatuwaan sa harapan ng bbq ang pagdating ng mga awtoridad. Ang lima, may edad mula 38 hanggang 57 anyos ay kinilala at minultahan sa ginawang paglabag sa mga preventive measures na nasasaad sa DPCM.
Dumating din ang mga Vigili del fuoco o Bumbero at nakakita ng presensya ng carbon monoxide sa lugar. Ang lugar ay agarang nilinis. (PGA)