Tinanggihan ni premier Mario Draghi ang kanyang taunang sahod na nagkakahalaga ng € 80,000.00 sa isang taon. Ang deklarasyon ng pagtanggi ng premier ay inilathala sa website ng gobyerno.
Sa isang deklarasyong nilagdaan noong Mayo 5, 2021, pinatunayan ni Mario Draghi na gagampanan niya ang tinanggap na tungkulin bilang punong ministro ng Italya nang hindi tatanggap ng anumang bayad. Samakatwid, ay libre ang paglilingkod ni Draghi sa bansa.
Nakatalaga ang pagtanggap ng taunang sahod na nagkakahalaga ng €80,000 euro bilang punong ministro, tulad ng halagang tinanggap ng hinalinhan niyang si Giuseppe Conte. Siya mismo ang nagtalaga ng nabanggit na halaga ng sahod matapos itong bawasan ng 20% kumpara sa natanggap ng mga nauna.
Tiyak na isang malaking pagtitipid para sa kaban ng bayan ang halagang tinanggihan ng premier, partikular sa panahong nararapat ang pagbibigay ng bawat isa ng kanya-kanyang bahagi. Ang dokumentong nagpapatunay sa “bolontaryong” pagta-trabaho ni Mario Draghi ay inilathala sa website ng gobyerno nitong mga nakaraang araw.
Si Mario Draghi, ay dating gobernador ng Bangko ng Italya at dating pangulo ng European Central Bank o ECB, samakatwid ay hindi lamang isang normal na pensiyonado. Ngunit kung titingnan ang kanyang Dichiarazione dei Redditi sa taong 2020, sya ay kumita ng €581,665 (kung saan ibabawas ang buwis na nagkakahalaga ng € 243,286 euro). Isang disenteng kita. Gayunpaman, ito ay medyo malayo sa kanyang hinalinhan, na si Giuseppe Conte, na bago umupo sa Palazzo Chigi ay nagdeklara ng kita na higit sa € 1.2M.