Sa mga sasahod sa Marso ay uumpisahang ipatupad ang “addizionali regionali”, at sa ilang mga kaso, pati ang “addizionali comunali”. Makakaligtas lamang ang mga mayroong kita ng 8,030 euro kada taon.
Roma – Marso 30, 2012 – Kung ang pay envelopes o busta paga ngayong buwan ng Marso ay mas mababa kaysa sa normal, ay huwag magalit sa inyong mga employer. Hindi dahil nagtitipid siya sa panahon ng krisis, kundi mas tumaas ang buwis.
Ang sorpresang ito ay buhat sa huling economic maneuver na tinawag na “Save Italy”, na nagtataglay ng 0,33% ng karagdagang “addizionale regionale irpef”. Ito ay isang buwis sa mga kita na kakailanganin upang pondohan ang mga Regioni, kahit pa ang ‘karagdagan’ na ito ay tila maliit lamang, ito ay mararamdaman pa rin ng mga taxpayers.
Ang National Caf at CISL ay sinuri ang mga uri ng buwis sa bawat taxpayers. Mawawalan, halimbawa, 51 euros bawat taon ang sinumang may sahod ng 1200 € bawat buwan, 73 euros kung ang gross income ay 1700, 94 euros kung ang gross income ay 2200 €, 137 € kung ang gross income umabot sa 3200 € .
Hindi dito natatapos, dahil pa rin sa isang economic maneuver, na inaprubahan noong nakaraang Agosto, ay maaaring madagdagan hanggang 0,8% maging ang addizionale comunale irpef, buwis sa mga sahod o kita upang pondohan ang mga Munisipyo. Ang mga alkalde ang magpapasya ng karagdagang ito, na sa kasalukuyan ay iilan lamang ang nagpatupad.
Ang tanging mga hindi apektado ng karagdagang pagtaas ay ang mga manggagawa na mas mababa ang kinikita, na hindi rin nagbabayd ng Irpef. Sa mga mayroong yearly income ng 8,030 euros, ay siguradong makakaligtas sa pagtaas na ito ng buwis.