Ang datos ng epidemic curve ay maaasahan. Haharapin natin ang fase 2 ng may hangarin ng bagong simula at pag-iingat”
Ito ang mga binitiwang salita ni Giuseppe Conte sa press conference kahapon matapos aprubahan ng Konseho ng mga Ministro ang isang decreto legge at implementing rules nito na magpapahintulot sa higit ng pagbubukas sa ikalawang bahagi ng pagtatanggal ng lockdown sa bansa, simula lunes, May 18.
Ang nilalaman ng decreto legge May 18:
- Hindi na kakailanganin ang tanyag ng autocertificazione sa anumang sirkulasyon sa loob ng Rehiyon kung saan residente;
- Malaya na ring makakalabas ng bahay at mabibisita ang mga kaibigan bukod sa mga ‘congiunti’ ngunit nananatiling bawal ang ‘assembramento’ at kailangang panatilihin ang social distance ng 1 metro;
- Ipinapayo pa rin ang palagiang pagdadala ng mask, ang pagsuot nito sa mga saradong lugar o kahit sa open air kung may panganib o kung imposible ang social distance;
- Magbubukas na rin ag mga commercial activities tulad ng bar, restaurants, salon, cosmetologist at mga retail stores;
- Magsisimula na rin ang pagkakaroon ng mga Misa sa mga simbahan;
- Magbubukas na rin ang mga museums;
- Nananatiling pinagbabawalang lumabas ng tahanan ang mga positibo sa covid19 o ang sinumang dapat sumailalim ng mandatory isolation, pati na rin ang sinumang may sintomas tulad ng covid19;
- Multa naman mula € 400 hanggang € 3,000 sa sinumang hindi susunod sa nasasaad sa protocol o regional o national guidelines.
Ang mga Rehiyon ay maaaring palawakin ang kanilang pagbubukas o pahabain ang panahon ng paghihigpit.
Sa May 25 naman ay magbubukas ang mga palestre (gym) at mga piscine (swimming pools).
Simula June 3 ay maaaring magpunta sa ibang Rehiyon. Makakapasok na rin sa bansang Italya mula sa mga bansa ng Europa at Schengen countries nang hindi sasailalim sa 14 days obligatory quarantine. Ito ay upang simulan na rin ang pagbangon ng sektor ng turismo.
Simula June 15 ay magbubukas na ang mga cinema at mge theaters.
Hiling ni Conte sa ginawang press conference, “Hinaharap ng bansa ang kalkuladong panganib at alam ng lahat ang posibilidad ng muling pagtaas ng kurba. Kinakailangan ang pag-iingat ng lahat, partkular sa mga Rehiyon kung saan kritikal ang sitwasyon tulad sa Lombardy”. (PGA)