Malinaw ang pag-uutos mula sa Strasbourg: ang mga carta d’identità na gawa sa papel sa Italya ay hindi ligtas at dapat na tanggalin sa loob ng dalawang taon. Ang mga ito ay madaling ma-fake, walang finger print at hindi na mababasa electronically sa maraming bahagi ng Europa na nagtataglay na ng mga modernong gamit.
Sinagot kamakailan ni EU Commissioner on Internal Affairs, Dimitris Avramopoulos ang mga katanungan ukol sa bagong mga anti-terrorism measures ng EU sa ginanap na press conference at binanggit rin ang patakaran ukol sa mga carta d’identità: “Magkakaroon ng gradual na paraan ng limang taon sa tuluyang pagtatanggal ng mga identity card, paliwanang ng Commissioner. Maliban na lamang sa mga dokumento na mayroong ilang problema tulad ng hindi na mabasa, ang mga ito ay papalitan agad”.
“Ang tanging bansa sa Europa na nananatiling gumagamit ng identity card na gawa sa papel ay Italya. Kung kaya’t hinihiling namin sa lahat na palitan na ang mga lumang carta d’identità bilang pagtugon na rin sa ginawang mas epektibong seguridad: kailangan din masiguro ng awtoridad na tunay na nag mamay-ari ng dokumento ang nagsasabing may-ari nito”, bigay-diin ni EU Commissioner Avramopoulos.
Iginiit ni Commissioner ang pangangailangan sa kategoriya ng seguridad: “Kung ang member State ay gumagawa na ng bagong uri ng dokumento, walang problema ngunit kung ang member State ay nananatiling mayroong mga dokumento na walang security, kailangang palitan ang mga ito sa loob ng dalawang taon”.
“Ang bagong anti-terrorism measures ay nangangailangan ng mas modernong uri ng dokumento”, dagdag pa nito.
Samakatwid, ang Roma ay mayroon lamang 24 na buwan o 2 taon upang palitan ang lumang carta d’identità na madaling ma-fake, walang finger print at hindi na mababasa electronically sa maraming bahagi ng Europa na nagtataglay na ng mga modernong gamit.
“At tanging pangalan na lamang ang taglay ng mga ganitong uri ng dokumento”, pagtatapos pa ng Commissioner.